Bonus ng teachers, laban-bawi?

Laban-bawi ang nararamdaman ngayon ng humigit-kumulang 720,000 public school teachers sa walang katiyakang apat na seryeng bonus nila ngayong taon.

Sa ibinigay na kwenta ng Teachers’ Dignity Coalition (TDC) sa TONITE para sa entry level ng mga teacher o ang tinatawag na Teacher 1, may inaasahan silang kabuuang P34,077 (minimum) na overall bonus sa buong taon.

Kabilang na rito ang Performance-Based Bonus (PBB) na P5,000 (minimum) hanggang P35,000 (maximum); Year-end Bonus (YEB) na katumbas ng isang buwang sweldo; cash gift na P5,000; at Producti­vity Enhancement Incentive (PEI) na P5,000.

Pero ayon kay Benjo Basas, chairperson ng TDC, tila nagbabadyang mauwi sa ‘laban-bawi’ at ‘patagalan’ ang hinihintay nilang mga bonus.

Katulad aniya ng PBB na dapat ay natanggap na nila noong Oktubre, hanggang ngayon ay wala pang ibinibigay na garantiya ang Department of Education (DepEd) kung kailan ito maibibigay sa kanila.

“Natapos na ang Oktubre at papasok na tayo sa ikalawang linggo ng Nobyembre, wala pa rin ang PBB. Ang sinasabi ng batas, every November 15 tatanggap ng year-end bonus ang mga guro.

Ano ang kasiguruhan na hindi na naman ito made-delay? Wala pa rin ang PBB at sasabay na ang YEB sa Nobyembre 15, ano ba talaga ang balak ng DepEd sa bonus naming mga guro?” dismayadong pagtatanong ni Basas.

Alinsunod sa sinusundang polisiya ng mga guro, ang YEB at cash gift ay dapat ibigay ngayong Nobyembre, habang ang kanilang Productivity Enhancement Incentive bonus ay sa Disyembre, pero duda ang TDC na maibibigay ito sa tamang oras ng DepEd.