Sa mga maagang nakakuha ng bonus o 13th month pay, spend it wisely. Kung nagsisimula na ka­yong mamili ng mga pangre­galo ngayong Pasko, huwag basta ubusin ang pera. Isiping maigi kung saan ito gagastusin.

Sabi ng ilang financial experts, hindi dapat ubusin ang bonus sa pagbili ng Christmas gifts. Mas mainam na planuhin kung saan ilalaan ang 13th month pay. Magtakda ng porsiyento nito sa savings, investments at debt payments.

Kung hindi ka man makapag-invest, importanteng magbayad ng utang. Isa ito sa unang asikasuhin. Nakakahiya naman siguro na nakapag-shopping tayo nang husto pero baon pa rin tayo sa utang.

Ilaan din ang bahagi ng iyong bonus sa pagbabayad ng utang kabilang ang credit cards, personal loans, at monthly amortizations. Isiping mataas ang interest rate ng iyong utang. Lumolobo pa lalo ang bayarin kapag nade-delay ang bayad.

Ayon kay Rael del Mundo, isang financial consultant, mas dapat bigyang prayoridad ang kinabukasan kaysa kasalukuyan. Wala sa atin ang makapagsasabi nang hinaharap. Dahil hindi mo alam ang itinakda, kailangang lagi kang handa. Importanteng insured ang isang tao.

Mahalagang mag-ipon ng pera para may madudukot sa bulsa sakaling magka-emergency. Hindi naman malaking halaga ang bonus kaya imbes na ilagay sa bangko, mas mainam pang mag-invest sa life insurance. Barya lang naman ang tubo ng kakarampot mong pera sa bangko.

Maglaan din ng porsiyento ng iyong bonus sa pagpapa-repair ng mga sira sa inyong bahay gaya ng water leak at iba pa. Huwag hayaang mas lumala pa ang sira nito. Siguradong mas lalaki ang iyong gastos.

Kung may travel goals ka, maglaan din ng porsiyento ng iyong bonus para rito. Mas nakaka-engganyong magtrabaho at kumita ng pera kung may pinag-iipunan kang bakasyon kasama ang buong pamilya at mga kaibigan.

Huwag mong i-deprive ang iyong sarili. Mainam din kung may mabibili kang bagay na magagamit mo sa araw-araw gaya ng sapatos, bag o damit.

Ang sa akin lang, kung may extra money pa, take time to share your blessings. Mas masarap sa pakiramdam na may ibang taong nakinabang sa bonus na ipinagkaloob sa’yo. Puwede kang pumunta sa isang charitable institution para mag-donate ngayong Pasko o kaya’y mamigay ng aguinaldo sa mga kapus-palad.