Sa unang pagkakataon, 10 sharpshooters ang magpapasiklaban sa 3-point shootout ng 2019 NBA All-Star weekend ngayong araw sa Charlotte, North Carolina.
Senior citizen sa listahan si Dirk Nowitzki na nasa 21st season na niya sa Dallas Mavericks. Iniuwi ng German sniper ang titulo ng contest noong 2006.
Balik si Devin Booker ng Phoenix para idepensa ang korona. Tinalo ni Booker si Klay Thompson noong isang taon sa Staples Center sa LA. NBA record ang kinana ni Booker na 28 of 34 possible points. Wala pang back-to-back winner sa contest pagkatapos ni Jason Kapono ng Miami Heat noong 2007-08.
First timer si Danny Green ng San Antonio Spurs na gamay bumitaw sa sulok, pangalawa ni Damian Lillard ng Portland Trail Blazers pagkatapos noong 2014.
Si Kemba Walker ang magdadala ng bandera ng Charlotte Hornets.
Susubok din sina Milwaukee Bucks marksman Khris Middleton, Joe Harris ng Brooklyn Nets na deadly mula long range – 11 for 13 sa huling dalawang laro. Dark horse si Buddy Hield ng Sacramento Kings na may 195 made 3s sa 57 games ngayong season.
Umaangas na rin si Seth Curry ng Portland Trail Blazers na tumitira ng 45.6 percent sa 3s ngayong season.
At ang pinaka-sharpshooter sa kanila, si Stephen Curry ng Golden State Warriors. Hari si Steph sa contest noong 2015 pero silat sa Splash Brother niyang si Klay Thompson noong 2016. Wala siya sa nakalipas na dalawang taon. Third all-time si Steph sa kasaysayan ng NBA – may 2,365 made 3s siya.
“Me, me, I will,” kompiyansang giit ni Seth nang matanong kung sino ang posibleng manalo sa contest.