Nakumpiska ng National Bureau of Investigation (NBI) ang daan-daang libro na iligal na inimprenta sa isinagawang pagsalakay kahapon ng tanghali sa isang bodega sa may Morayta corner Claro M. Recto Ave., Maynila.

Pasado alas-12:00 ng tanghali nang gulatin ng mga tauhan ng NBI-Intellectual Rights Property Division ang bodega at dito nakita ang iba’t ibang uri ng libro na iligal na inimprenta.

Isinagawa ang ope­rasyon nang magreklamo sa NBI ang Rex Bookstore Publishing dahil sa mga iligal na inimprentang libro na ibinebenta nang mas murang halaga sa ­kahabaan ng Recto.

Kabilang sa nasamsam ng NBI ay mga law, medical at accounting na libro at mga high school at elementary textbook.
Nagsagawa muna ng test buy ang asset ng NBI at nang makumpirma ang kanilang pakay ay dito na pumasok ang mga operatiba.

Inaalam pa ng NBI kung sino ang may-ari ng naturang bodega at mga inimprentang libro.