Boring, baduy, nakakabugnot ang bagong ‘ASAP’

tonite-pak-allan-dionesPuwedeng gawing #ASAPKasal ang pa-hashtag nu’ng Linggo sa bagong reformat na “ASAP Natin ‘To!” dahil may pa-wedding sa loob ng show na sinalihan pa ng mga host ng “ASAP”.

Actually, nabugnot kami sa segment na ‘yon na hindi namin mahanapan ng konek sa mga taga-“ASAP”, so kebs ba namin doon sa ikinakasal na ewan kung bakit binigyan ng mahabang exposure na pilit naman ang dating.

After 23 years ay pinalitan na pala ang unit na humahawak sa “ASAP” at tsinugi pati mga dating writers nito, kaya nag-iyakan ang mga ito nang mapalitan.

Kung napanood ng mga ito ang show last Sunday ay malamang feeling vindicated sila, lalo na sa naglabasang negative feedback ng mga netizen at mga dating loyal viewer ng show.

Kapansin-pansin kasi ang pagsalpak ng reality at drama component, tapos ay VTR-heavy na ito kaya ang daming na-turn off na ang gusto lang ay mapanood ‘yung dating Sunday musical variety show na kinasanayan nila.

Ang totoo ay hindi rin kasi naaapektuhan o nasu-sway ang mga televiewer sa pa-moral values eklat lalo na kung forcing through ang dating o masyadong spoonfed.

‘Yung segment tungkol sa humble beginnings ni Regine Velasquez-Alcasid na may pa-interview pa sa pamilya niya ay ang lakas maka-“MMK”, pero at least ay nakaka-relate ang audience dahil si Regine ‘yon at winewelkam ito that day bilang bagong miyembro ng show.

In all fairness ay nagkaroon ng bagong timpla at bagong sigla ang programa sa pag-entra ni Songbird, pero sana ay damihan ang mga kantahan at sayawan; bawas-bawasan ang kadramahan.

Dragging, boring at baduy ang karamihan ng comment sa bagong bihis na “ASAP Natin ‘To!”

Ibigay na lang daw nila sa “MMK”, “Rated K”, “Magandang Buhay”, mga teleserye at current affairs program ang pagtalakay sa mga kuwento ng ordinaryong tao dahil nakakaumay na ito.

Entertainment ang hanap ng audience tuwing Linggo nang tanghali. Mas marami pa sanang performance kung binawasan ang kuwentuhan at dramahan. Mas na-maximize sana ang mga singer at dancer ng show.
Kalerky!!
***

Zsa Zsa nag-emote sa tsugihan

Natuwa kami na mas mahaba na ang exposure ni Sarah Geronimo sa “ASAP Natin ‘To!” at isa na siya sa sinasabing siyam na poposte sa show.

Okey din ‘yung bago niyang segment, parang masyado lang ma-talkies (dahil kaya Talk Unit na ang bagong may hawak ng programa?).

Ang ganda rin na ang dami nilang interaction ni Regine throughout the show dahil ang lakas maka-happy ‘pag magkasama silang dalawa.

But we must say hinanap namin ‘yung ine-expect naming world-class performance doon sa first showdown ni Songbird at ng Popstar Royalty.

Medyo underwhelming ‘yung napanood namin, sa totoo lang. At mala­king bagay dito ‘yung choice of songs.
Sana next time ay hindi na kami mabitin at talagang todohan at pangmalakasan ang masaksihan naming Regine-Sarah showdown.

Siyanga pala, tila may hanash si Ms. Zsa Zsa Padilla sa IG na hinu­hulaang may konek sa mga kaganapan sa “ASAP”.

May tsikang isa ang Divine Diva sa mga tsinugi sa show after the reformat kaya nag-eemowt ito, na natural lang naman dahil ang tagal niyang naging bahagi nito.

Pero ang dinig namin ay babalik si Ms. Zsa Zsa sa December 2 dahil iro-rotate lang daw ang mga senior host including Gary Valenciano, Martin Nievera and Ogie Alcasid.

Ang mukhang niligwak na ay sina Toni Gonzaga at Robi Domingo. Sa mga bagets ay promoted na sa frontliner si Daniel Padilla, na deserved naman nito.

***

Dingdong-Dennis ‘di hinarang ng dating manager ni Marian

Kaabang-abang ang pagsasanib-puwersa ng Kapuso Kings na sina Dingdong Dantes at Dennis Trillo sa GMA primetime dahil ang lakas ang dating ng kanilang tambalan sa “Cain at Abel”.

Actually, ‘yun lang natuloy ang pagtatambal na ito ay bongga na bilang alam ng lahat na hindi pa rin okey ang manager ni Dennis (na dati ring manager ni Marian Rivera) at ang misis ni Dingdong.

At least, umiral ang professionalism at natupad ang dream tandem na ito ng Kapuso Primetime King at Kapuso Drama King.

Ang ganda ng attitude nu’ng dalawa na hindi nila iniisip ang kakumpetensiya, basta gusto lang nilang maghain ng kakaibang content na magugustuhan ng manonood.

Ani Dong, hinaluan ng aksyon, pero drama pa rin ang core ng “Cain at Abel”. Sey naman ni Dennis, naniniwala siya sa seryeng ito na kahit saang timeslot sila ilagay ay tatayo at lalaban sila sa katapat.

First time makatrabaho rito ng dalawa si Direk Toto Natividad na dating nagdidirek sa “Ang Probinsyano”. Nagsimula na kagabi sa GMA Telebabad ang “Cain at Abel” pagkatapos ng “24 Oras”.