Bosyo at Covid

Kaliwa’t kanan ang balita dahil sa Corona virus o Covid 19. Alam na natin na may kinalaman sa baga at paghinga ang mga sintomas nito, ngunit sa ngayon, lahat na lang ng ibang mga karamdaman ay tinatanong kung may kinalaman sa Covid. Isa na dito ang bosyo o goiter o sakit sa thyroid.

Nais malaman ng isa sa ating tagasubaybay kung may kinalaman ang goiter sa Covid. Mas madali ba siyang mahawa dahil may goiter sya at mas manghihina ba dahil sa goiter kung magka-Covid ?

Ano ba ang thyroid? Ito ay isang organ na hugis paruparo na nakikita sa harapan ng ating lalamunan. Ito ay may kinalaman sa maraming bagay sa ating katawan dahil sa hormones. Tulad ng metabolism, pagiisip, lebel ng enerhiya at pati na ang pagkilos ng bituka. Kung may problema dito maaaring tumaas ang lebel o hyperthyroidism at bumaba o hypothyroidism. Depende kung ano ang karamdaman, maaaring bumilis o bumagal ang kilos at galaw.

Unang una, kung kayo ay may sakit sa thyroid, hindi naman malakas ang panganib na magkaroon ng Covid. Dahil sa bago ang Covid, wala pang pagsusuri na nagagawa na nagsasaad na may kaugnayan ang thyroid sa Covid at maging sa anupamang viral na sakit. Ang mga gamot na nareseta ng inyong doktor para sa thyroid problem ay tuloy tuloy pa ding gamitin. Hindi makakapagbaba ng resistensya ang mga ito. Ngunit kung mayroon dagdag na steroids ay makipagugnayan sa inyong manggagamot dahil ito ang pwedeng magpababa ng inyong immune system o resistensya lalo na kung matagal nang naibibigay.

Ilan sa mga paggamot ng thyroid ay operasyon o ang isa ay ang tinatawag na radioactive iodine. Kung nagawa na ang mga ito, wala pang pagaaral na nagsasabi na may panganib ang indibidwal sa Covid. Subalit kung gagawin pa lamang ang mga ito, mas mamabutihing antayin ang pagtapos ng pandemyang Covid, lalo na hindi emergenca ang mga procedures na ito.

Ang mahalaga ay mapanatiling nasa normal na lebel ang thyroid hormones dahil kung mataas ang mga ito, dito mas mapapanganib na magkaroon ng kumplikasyon, hindi lang dahil sa Covid, kundi sa anumang karamdaman. At kung makaramdam ng mga sintomas gaya ng lagnat, pananakit ng lalamunan, o butlig o rashes, itigil muna ang mga gamot at ipagbigay alam sa inyong doctor. Dahil sa may kahalintulad ang mga sintomas na ito sa Covid, maaaring magpagawa ng ilang eksaminasyon, tulad sa dugo at ultrasound at pati na ang Covid testing.

Hanggang sa susunod na Huwebes!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, at radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn). Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.