Botohan sa 2019 election 12 oras – Comelec

Magtatagal na ng hanggang alas-sais ng gabi ang oras ng botohan sa darating na 2019 midterm elections.

Ito’y matapos magpasya ang Commission on Elections (Comelec) na palawigin o pahabain nang isang oras ang voting time sa mga presinto sa bansa.

Paliwanag ni Comelec spokesperson James Jimenez, lumobo ng mahigit 60 milyon ang inaasahang ­boboto sa susunod na taon kumpara sa P58 milyon noong 2016.

Mula sa dating alas-sais ng umaga hanggang alas-singko ng hapon, gagawin na itong alas-sais ng umaga hanggang alas-sais ng gabi.

“Tiyak na mas mahaba ang pila sa mga presinto at lalagpas ito sa alas-singko ng hapon na dating deadline ng pagboto,” ani Jimenez.

Sinabi ni Jimenez na papayagan pa rin namang makaboto ang mga botanteng nasa loob ng 30 meter-radius ng mga polling center kahit na lagpas na sila sa oras ng pagboto.

Aniya, dapat maitala ng poll clerk ang pangalan ng mga nakapilang botante at tatawagin nang tatlong beses para makaboto.

Gayunman, idiniin ni Jimenez na sa kabila ng inaasahang pagdagsa ng mga botante, hindi naman umano madadagdagan ang bilang ng mga vote counting machines (VCMs).