Bowling pabalikin na rin – Paeng

Pinangunahan ni four-time Tenpin Bowling World Cup champion at ngayo’y national coach Rafael ‘Paeng’ Nepomuceno ang mga humihiling sa Philippine Sports Commission (PSC), Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases (EID) at iba pang kinauukulan na makabalik rin ang sport sa gitna ng modified enhance community quarantine (MECQ) sa Metro Manila.

Ayon sa Hall of Famer, mayroong set ng bola ang mga pintoppler o bowler, kaya ang mga dapat lang tutukan sa non-contact game ay ang sanitation sa bowling center at sa equipments gaya ng bowling bowls at bowling shoes.

Ilan sa sports na pinayagan pa lang ng PSC at IATF sa pagbaba sa MECQ mula sa ECQ ay ang badminton, lawn tennis, golf, walking, running (jogging).

Maging si Philippine Bowling Federation, Inc. (PBF) vice president Jayson Nikko Go, ang pangulo rin ng Summer Capital Tenpin Bowling Association (SCTBA), nanawagan naman sa Baguio City Council na buksan na ang mga bowling alley sa lugar.

Aniya, may nakatakdang pakikipagpulong ang SCTBA officials sa lalong madaling panahon kay Baguio Mayor Benjamin Magalong para makapag-operate na ang playing venue, gaya ng Puyat Center sa Baguio Center Mall.

“May mga bagong alituntunin nang binalangkas kami at positibo kaming papayagan ng alkalde, (IATF) at PSC dahil non-contact sport kami,” ani Go sa wikang Ingles.

Sa umiiral na General Community Quarantine (GCQ) na sa siyudad, ang cycling, walking, jogging-running at zumba pa lang ang mga pinayagang maisagawa sa Burnham Park, Athletic Bowl at mga lansangan sa City of Pines. (Ramil Cruz)