BOXING: Pacquiao bawal muna sa publiko

Upang makasiguro umano sa seguridad ni eight-division world champion Manny Pacquiao ay pinagbawalan muna ito ng pulisya sa Brisbane, Australia na magpakita sa publiko habang papalapit ang laban kay Jeff Horn. (Wendell Alinea/OSMP)

Pinagbawalan ng Queensland Police si eight-division world champion Manny Pacquiao na lumabas at magpakita sa publiko habang ­papalapit ang kanyang ­title fight kay Aussie fighter­ Jeff Horn.

Dahilan? Ang seguridad.

Magsasagupa sina Pacquiao at Horn sa Linggo (Manila time) sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia.

Dapat sana’y mag-eensayo si Pacquiao sa makeshift ring sa may harapan ang Treasury Casino sa Brisbane CBD, pero, dahil sa advice ng awtoridad ay kinansela ang ensayo ni Pacquiao.

“For safety purposes, Manny won’t be here today. We’ve taken that advice from the Queensland Police.”

Resulta: Nakuntento na lang ang may libong katao na panoorin si Horn.

Ayon sa promoter ni Horn na si Dean Lonergan ng Duco Events, wala namang threat sa buhay ng Pambansang Kamao, natatakot lamang sila na dumugin ang boksingero ng libong fans. Bukod dito, tumataas, anila, ang bilang ng mga obsessive fans.

“We’ve had concerns from Queensland police all week about Manny doing any promotional­ appearances,” saad ng pahayag ni Lonergan na inilabas ng The Sydney Morning Herald.

“The last time we had Manny here was a couple of months ago. A couple of tweets went out and a couple of thousand people turned up. It was quite hairy.”