Bumagsak na sa kamay ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na tinaguriang ‘Boy Asido’ na nagsaboy ng asido sa isang hindi pa nakilalang mag-ina sa Lungsod ng Quezon.

Bagama’t nahuli na ang pinaniniwalaang suspek sa pagsaboy ng asido na nakilala sa pangalang Budak San Miguel ay hindi pa rin lumulutang sa La Loma Police Station para pormal na magreklamo ang mag-inang biktima.

Kahapon ay iniharap sa mga mamamahayag ni QCPD P/Supt. Ro­bert Sales ang suspek na umano’y may kakulangan sa pag-iisip.

Ang suspek ayon kay Supt. Sales ay itinuro ng mga vendor na siya umanong palaging nakatambay sa footbridge sa A. Bonifacio Avenue sa kanto ng Sgt. Rivera, Brgy. Manresa, Quezon City kung saan nangyari ang pagsaboy ng asido.

Nakuha sa pangangalaga ng suspek ang tatlong plastik na bote kung saan isa rito ay naglalaman ng asido, base na rin sa isinagawang pagsusuri ng mga awtoridad.

Ang dalawa namang bote ay naglalaman ng bote at bunga ng kalamansi.

Tinangka ng mga umarestong awtoridad na kuhanan ng pahayag ang suspek pero hindi ito makausap ng matino.

Isa namang kapitbahay ng suspek na kinila­lang si Rizza Padao ang nagbahagi ng kanyang nalalaman patungkol sa suspek.

Kuwento ni Padao, madalas umanong nam­babato si alyas ‘Buddha’ kapag may nakikitang mga taong nagsasaya.

“Lalo na kung nakakakita siya ng mag-ina,” ayon kay Padao.

Sinabi pa ng kapitbahay ng suspek na dati umano itong nalulong sa ilegal na droga hanggang sa mawala sa katinuan kaya ipinasok sa mental hospital.

Paglabas umano ng mental hospital ay lalong gumuho ang mundo ng suspek nang hindi abandonahin ng mag-ina na maaring dahilan kaya puntirya nitong atakehin gamit ang asido ay ang mag-iina.

Matatandaang kahapon ay naiulat na isang mag-ina ang papaakyat ng nasabing footbridge nang biglang may liquid subs­tance na tumama sa kanila na tila sinaboy mula sa itaas ng tulay.

Bigla na lamang umanong nakaramdam ang mag-ina ng panga­ngati at hapdi sa magka­bilang braso at paa na tinamaan ng nasabing liquid substance.

Pagdating umano nila sa bahay ng kaibigan ay mabilis silang humingi ng pwedeng ipampunas sa balat at doon na napansing nagkabutas-butas na ang kanilang payong at maging ang kanilang damit.

Lumikha rin ng malalim na sugat ang bahagi ng braso na nasabuyan ng likido kaya agad silang nangamba.

Mabilis naman silang dinala sa pinakamalapit na pagamutan at doon napag-alamang na chemical burn ang kanilang tinamo.

Bagama’t walang rekord ng insidente sa Quezon City Police District (QCPD)-Station 1 ay agarang ipinag-utos ni QCPD Director Chief Supt. Guillermo Lorenzo Eleazar ang pagtugis sa suspek na naging sanhi ng pag-aresto sa nasabing suspek para maiwasan umano na makapambiktima pa.

Dadalhin sa Jose Reyes General Hospital ang suspek para ipasuri at kapag napatunayang may kakulangan sa pag-iisip ay saka ito dadalhin sa National Mental Hospital.