‘Boy Asido’ timbog sa QC

Nadakip na ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek na tinaguriang ‘Boy Asido’ na nagsaboy ng asido sa isang hindi parin mag-ina sa Quezon City, kamakalawa.

Iniharap sa mga mamahayag ni P/Supt. Robert Sales ng Laloma Police Station ang suspek na nakilala sa pangalang Budak San Miguel, walang tiyak na tirahan, at may diperensya sa pag-iisip.

Ayon kay Supt. Sales, itinuro ng mga vendor ang suspek dahil lagi itong nakatambay sa isang footbridge sa A. Bonifacio Avenue sa kanto ng Sgt. Rivera sa Brgy. Manresa, Quezon City.

Ayon sa saksi na si Liza Padao, bagama’t hindi niya nakita si Budak na nagsaboy ng asido sa mag-ina, siya lamang umano ang madalas makita sa footbridge na naghahagis ng kung anu-ano sa mga napapadaan.

Nakuha rin ng mga operatiba kay Budak ang tatlong plastic bottle na may mga lamang bato at ang isa ay may lamang asido.

Bagama’t walang pormal na reklamo ang mag-inang nabiktima ni Boy Asido, inaresto umano ng QCPD Station 1 si Budak upang hindi na makapambiktima ng iba.

Dadalhin ang suspek sa Jose Reyes General Hospital para ipasuri kung ito ay may diperensya sa pag-iisip upang agad madala sa mental hospital.