Dahil lang sa pagtupad sa tungkulin ay binaril ang isang miyembro ng Barangay Public Safety Office (BPSO) ng lala­king tinangka nitong sitahin sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Ginagamot sa Quezon City General Hospital at posibleng operahan sa tuhod sanhi ng tinamong tama ng bala mula sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril ang biktimang si Arlando Nuque y Dolor, 44, married, BPSO ng Brgy.Sta. Monica, Novaliches.

Bagama’t nakatakas ang suspek ay may natagpuang IDs at ilang dokumento sa nakaparadang tricycle na pinaniniwalaang pag-aari ng suspek na kinilalang si Fred Mark Gicana y Magbanua, 30, single ng No.52-Ibong Pilak St., Sitio Aguardiente, Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon City.

Ayon kay PO1 Drazen Gacilan, nangyari ang insidente dakong alas-12:14 ng hatinggabi habang nagpapatrolya umano ang biktima kasama ang iba pang miyembro ng BPSO sa Barangay Sta.Monica nang makita nila ang grupo ng mga kalalakihan.

Tinangka umanong lapi­tan ng grupo ng biktima ang mga ito subalit bago pa tuluyan makalapit ay nagkanya-kanyang takbo umano ang mga kalalakihan.

Hanggang sa maka­rinig ng isang malakas na putok ng baril mula sa isang nakaparadang tricycle kasabay nito ay nalugmok sa semento ang biktima dahil sa tama ng bala sa tuhod.