Taong-bahay si Brandon Ingram, maiiwan sa Los Angeles habang kumakampanya ang Lakers sa dalawang road games.

Inabot ng sprained left ankle si Ingram sa 121-113 win kontra San Antonio noong Miyerkoles nang matapakan ang paa ni Spurs center LaMarcus Aldridge.

Sumailalim siya sa precautionary MRI exam Huwebes ng gabi.

Si Ingram ang starting shooting guard ng La­kers at third-leading scorer din ng team sa 15.2 points per game. Naga-average din ang No. 2 overall pick noong 2016 ng 4.0 rebounds at 2.2 assists.

Dadayuhin ng Lakers ang San Antonio Biyernes ng gabi, bago lulusubin ang Memphis kinabukasan.
Iho-host ng Lakers ang Miami sa Lunes.

Naipanalo ng Lakers at ni LeBron James ang 13 sa huling 17 laro.