Umatake ang Arellano U Braves sa third quarter bago sumalag sa fourth para ibaon ang EAC Brigadiers 83-65 sa 93rd NCAA juniors basketball tournament sa The Arena sa San Juan kahapon.

Sa likod ng 16 points at four rebounds ni Kobe Camacho, sinikwat ng Braves ang pang-apat na panalo sa anim na laro para akbayan ang San Beda Red Cubs sa third spot.

Humablot si Aaron Fermin ng 17 rebounds bago kinumpleto ang double-double performance sa nilistang 15 points para sa Arellano. May tig-eight points pa sina Resty Fornis at Edmund Velasco.

Pagbalik pagkatapos ng halftime, umarangkada ang Braves para ilayo ang manipis na 30-26 lead sa break tungo sa 59-45 advantage papasok ng fourth.

Nagtangkang bumalik ng Brigadiers sa final frame sa pangunguna ni Sean Oriondo na nagbaon ng 3s sa final 3 minutes ng laro, pero nag-take charge sa paint si Fermin nang ibaba ang ilan sa double-digit rebounds niya bago kalmadong ipinasok ang mga freebies sa stripe.

Bigong buhatin ng game-high 20 points ni Oriondo ang EAC na nabaon pa lalo sa 0-5.