Kapag may bumibili ng motorsiklo sa aming magkakabarkada ay hindi lamang siya mismong bibili ang excited kung hindi lahat kami, dahil senyales lamang iyon na isa na namang pagkakalwatsa ang aming gagawin, siyempre, dahil bago ang motorsiklo ay kailangang i-break in! At saan naman magandang i-break in ang mga bagong sasakyan? E ‘di sa malalayong lugar, at ang paborito naming puntahan ay ang magandang tanawin ng Sierra Madre na matatagpuan sa Tanay, Rizal Province.

Ang Rizal Province ay malawak at maburol na lugar na perpektong lugar na puntahan kung magbi-break in ng bagong sasakyan, paborito rin itong puntahan ng mga mountain bike enthusiasts dahil nga sa mga valleys at foothills na swak na swak nilang lakbayin.

Mas maiksing biyahe

Iba naman ang siste kapag naka-motorsiklo na, kung ang mga karaniwang mga sasakyan ay inaabot ng dalawang oras ang biyahe papunta sa Sierra Madre at mas matagal pang biyahe para sa mga bikers depende pa sa pagpapatakbo nila, sa amin ay inaabot lamang ng isang oras, siyempre bukod sa mas mabilis magpasuot-suot sa kahit saang kalsada ay hindi tulad ng bisikleta ay may motor ang aming sasakyan na mas nagpapabilis dito.

Karaniwang alas-kuwatro pa lang ng madaling-araw ay magkikita-kita na kaming magbabarkada sa Shell Gas Station sa Balintawak kabilang sina Bart Godio, V.A Caguimbal, Ej Santos, Antoinette Coria aka Tony, Alden Cabrera, Gracia Ramos, Arnel Godio, Popoy Amable, Bong Magbato, Marlon Billiones at iba pang mga kabarkada at mga isinama ring mga barkada ng aming mga barkada!

More or less umaabot kami ng mahit 20-katao na bumibiyahe ng sabay-sabay, siyempre hindi mawawala ang late kapag may lakad ng magbabarkada kaya sa halip na mainip sa kakahintay ay kakain na lang muna kami para na rin hindi gutumin sa biyahe.

Kapag nakumpleto na ang mga sasama ay nasa alas-5:30 na ng madaling-araw nu’n, maliwanag na rin, so mas safe nang bumiyahe, sabay-sabay kaming magmamaneho pupuntang Commonwealth, Quezon City at mula doon ay dire-diretso na kami papuntang River Bank sa Marikina na dadaanan namin papuntang Masinag saka susundan lang namin ang napakara­ming arrow na nakasaad kung saan ang tuluy-tuloy na biyahe papuntang Taytay, Rizal.

Pinaka matagal na ang 1 ½ na oras na biyahe papunta doon, natatagalan lang naman kapag may mga gagamit ng CR (lalo na kapag may chick na kasamang pala-ihi) may magyoyosi, may chichicha saglit, minsan yung iba pahinga rin sandali kasi nangangalay na din ang braso pero limang minuto lang oks na ulit ang kamay at braso at pwede na ulit na ipangmaneho ng maraming metro.

Tsibugan hindi nawawala sa road trip

sierra-madre-cherk-001Bago tuluyang dumating sa Sierra Madre siyempre ang first stop ay kumain, sa Angono kami kumakain at isa sa mga dining spot famous sa mga pagkaing lutong bahay doon ay ang Balaw Balaw Specialty Restaurant. The best ang kanilang sinigang na daing na bangus na may gata, binagoongang kanin at ang pinaka nasarapan akong ginataang kuhol!

At pagkatapos kumain, siyempre mawawala ba ang desserts! Turon ang panghimagas namin, at hindi katulad ng nakagisnang turon na may saging at langka ay pwede ring umorder sa kanila ng mga turong may iba’t ibang palaman tulad ng maple bacon turon, cookies and cream turon at ang paborito kong salted caramel turon!

Pasyal- pasyal sa mga pambatong tanawin ng Rizal

Pagkatapos kumain, pahinga sandali at Sierra Madre na. Sino ba namang nagpupuntang Tanay, Rizal nang hindi kilala ang Daranak Falls, ito ay isang 14-metrong taas na waterfalls sa Tandang Kutyo, Tanay, Rizal na tila ba nagtatago sa mountainside ng Sierra Madre Range.

Kung gusto mo ng mura pero napaka gandang tanawin ng kalikasan, Daranak Falls ang puntahan dahil P50 lang ay pwede ka nang maligo at mag-enjoy dito.

Next Stop? Tinapak Rock Formations na matatagpuan naman sa Barangay Daraitan sa Tanay Rizal din. Kung trip mong mag-trek, dito ka pumunta, bago mo kasi mara­ting ang mala-paraisong Tinipak River ay kinakailangan mong mag-trek ng nasa 2.3 kilometro pataas. Pero para sa akin ay mas masarap umakyat doon ng maaraw, dahil sa bukod sa tuyo ang lupa ay hindi mo naman mararamdaman ang init ng araw dahil na rin sa masarap na simoy ng hangin sa taas.

‘Wag kaligtaang sumilip sa Calinawan cave

sierra-madre-cherk-002Samantala sa halagang P20 lang ay pwede ka na ring makapasok sa Calinawan Cave, sa Tanay, Rizal din ito. Saktong- sakto sa mga first timers ang Calinawan Cave dahil sa bukod sa madali itong pasukin ay malalaki pa ang mga daanan papasok at sa mura ba namang bente pesos hindi pa ba sulit ‘yun!

Sa pagpasok sa loob ng cave ay makakakita ka rin ng mga stalagmites at stalactites, meron ding dumadaloy na tubig sa loob na tila ba kumikinang kapag tinatamaan ng liwanag ng flash lights. Ang ibang mga taga-Tanay ay ginagamit ding short cut ang nasabing cave patungo sa iba’t ibang bayan sa lugar katulad ng Montalban, Pililia at Baras dahil may mga lagusan ang cave patungo sa mga ito.

May mura at komportableng pahingahan

Ngayon, pagkatapos naming magliwaliw na magbabarkada ay siyempre, uwian na. May mga pasok pa sa trabaho e, pero mas maganda kung mas magtatagal ng ilang araw sa lugar, sa mga gusto namang mag-stay ng isa pang araw o kung ilang araw ang gusto niyo ay saan pa ba kumportableng magpalipas ng magdamag kung hindi sa D’ Gathering Resort na matatagpuan sa Marcos Hi-way, Sampaloc, sa Tanay, Rizal pa rin.

Sa halagang P1,500 ay mayroon ka nang magandang silid at paggising mo pa sa umaga ay may libre na ring breakfast na good for two persons, nasa P3,500 naman kung nasa limang katao kayo at may libre ring umagahan na sakto rin sa limang katao. Kung gusto mo naman ng mga mabibigat na pagkain ay oks na oks kainin ang kanilang tapang usa, bulalo at kalderetang itik.

Nakapag-break in na nakapaglamiyerda at tsibug pa!

Pero dahil sa uwian na nga ay ito lang ang masasabi ko, sulit na sulit talaga ang aming biyahe sa Sierra Madre dahil sa bukod sa nakapag-break in na kami ng bagong biling motorsiklo na unang pakay namin sa pagbiyahe ay nakapag-enjoy pa kami ng husto sa magagandang tanawin ng Rizal Province.

At hindi lang ‘yun, hindi rin matatawaran ang sarap ng mga pagkain sa lugar at alaala na tatarak sa aming magbabarkada sa tuwing kami ay nagsasama- sama at nagtutungo sa mga katulad na lugar.

Hinding-hindi namin pagsasawaan ang Sierra Madre at kung magkaroon man kami ng bakanteng oras o pagkakataon ay babalik-balikan namin ang lugar na ito ng naka-motorsiklo pa rin kahit pa wala pa kami sa ngayong motorsiklong ibi-break in!