BREAKTHROUGH WIN HAHABULIN NG NETBALL SQUAD

Ito na ang panahon para sa bansa na manalo sa unang pagkakataon kontra Thailand sa simula ng netball competitions ng 29th Southeast Asian Games 2017 ngayon sa Juara Stadium ng Bukit Sports Complex sa Kuala Lumpur, Malaysia.

Inihayag ni Netball Philippines (NP) president Charlie Ho na atat na ang kanyang mga wards na makabawi mula sa kampanyang puro talo sa 2015 Singapore SEA Games.

Ilan sa gigil nang rumesbak ang balik-team na sina Ana Thea Cena­rosa, Teresa Aquino at team captain Leanne Espina na inaasahang aako sa binakanteng puwesto ni Michiko Castaneda, pinili nang magretiro tapos magka-injury sa Singapore SEAG.

“We’re hoping to finally get that breakthrough win,” ani Atty. Ho patungo sa alas-tres ng hapong pakikipagsalpukan ng Nationals sa Thais, ang pumulbos sa mga Filipinas 66-22 sa huling edisyon ng 11-country biennial meet na pormal na magbubukas sa August 19.

Luhaan din ang mga Pinay kontra Malaysians 112-11, Myanmar (56-31), Singapore (84-12) at Brunei (56-32).

Isa sa dalawang national sports association ang NP na hindi nakakuha ng ayuda para makapag-training at makapag-compete abroad.

Pero hinirit ng NP prexy na hindi sagabal iyon sa kanilang misyon.

“Realistically, our goal is to have a decent finish every game,” dagdag ni Ho, hinirit na ngayo’y mas may tiwala na sa isa’t isa ang mga miyembro ng team sa ilalim ni coach Fransien Howarth ng England at deputies Angelina Fedillaga at Loo Yi Lin Jolynn ng Singapore.

“We just need to go out there, play our hearts out and improve our previous finish.”