BREN, Sunsparks pasok sa finals ng MPL – PH

NALAMPASAN ng BREN eSports ang matinding hamon habang binigo ng Sunsparks ang matindi nitong karibal upang umusad sa upper bracket finals ng SMART-Mobile Legends Bang Bang Professional League-Philippines (MPL-PH) Season 5 Biyernes ng gabi.

Top-ranked team sa regular season sa pagpasok sa playoffs, nasukat ang kakayahan ng powerhouse BREN eSports sa matinding labanan kontra sa fourth-seed na Execration.

Napag-iwanan sa pagsisimula ng Game One, bumalikwas ang BREN para sa come-from-behind na panalo tungo sa 1-0 bentahe kontra Execration.

Gayunman, itinabla ng Execration ang laban sa Game Two para sa iskor na 1-all.

Pinatunayan ni Ch4knu (Grock) muli na handa ito sa matitinding labanan matapos nitong sagupain ang kampo ng BREN upang ibigay sa Execration ang bentahe sa unang minute ng Game Three.

Itinala ng Execration ang malaking abante na 28,482 gold kumpara sa 21,403 ng BREN sa siyam na minuto ng laban habang abante din ito sa kill department sa 10-5 score.

Gayunman, habang bentahe ang Execration’s side ay umatake ang BREN na binubuo nina KarlTzy (Ling), Ribo (Angela), Lastii (Atlas), Coco (Carmilla) at Pheww (Kaja) sa paglatag ng matinding depensa upang biguin sina E2MAX (Selena), Z4pnu (Uranus), Hate (Lancelot), Bennyqt (Helcurt), at Ch4knu sa five-man wipe.

“Siguro lamang kami sa disiplina, saka sa decision making at experience na lang din po kaya kami naka-lamang sa kanila,” sabi ni Karl “KarlTzy” Nepomuceno sa Game Three panalo ng BREN.

Tinalo naman ng Sunsparks ang karibal na ONIC PH, 2-1, para angkinin ang ikalawang silya sa upper bracket finals. (Lito Oredo)