Brgy. chairman sa Pasay dedbol sa buy-bust

dead-body

Dead on the spot ang isang barangay chairman na inginusong sangkot sa droga makaraang mang-agaw umano ng baril sa pulis na kasama niya sa mobile car habang pa­punta sila ng ospital upang sumailalim sa drug test at medical exa­mination, sa Pasay City kamakalawa ng hapon.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo at katawan si Edwin Ganan alyas ‘Toto Manok’, 44-anyos, chairman ng Barangay 29, Zone 5 sa naturang lungsod.

Sa ulat ng Pasay City Police-Station Investigation and Detective Ma­nagement Branch, pasado alas-singko ng hapon nang mangyari ang insidente sa harapan ng Pa­say City General Hospital.

Napag-alaman na noong Martes ay nagtu­ngo si Ganan sa tanggapan ni Pasay City Vice Mayor Boyet Del Rosario upang tumulong sa pagsugpo sa droga. Pinapunta naman ni Del Rosario si Ganan kay Pasay City Police chief Sr. Supt. Nolasco Bathan upang makipagtulungan sa mga awtoridad.

Nangako naman umano si Ganan na magbibigay siya ng pangalan ng mga big time drug pusher sa lugar na kanyang nasasakupan at isang Victor De Mundo alyas ‘Vic’ ang ikinanta na konektado umano sa illegal drug trade sa kanilang lugar.

Kaagad namang naaresto si De Mundo sa isinagawang operasyon ng mga pulis pero itinanggi nito ang akusasyon sa kanya ni Ganan sa halip ay itinuro ito na siyang sangkot umano sa droga sa kanilang lugar.

Dahil dito, nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba sa panulukan ng Leveri­za at Propetarious Sts. sa Pasay City at naaresto si Ganan na nakuhanan ng dalawang plastic sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P30,000.00.

Bago dalhin sa presinto si Ganan ay dinala muna ito sa ospital upang isaila­lim sa drug test at medical check-up pero nang isasakay na umano sa mobile car ng pulisya ay biglang sinunggaban ang baril ng escort na si PO2 Clarence Maynes na nauwi sa pagbubuno nila hanggang sa pumutok ang baril at bumulagta si Ganan.