Brgy chairwoman, utol timbog sa P2.5M shabu

Arestado ang barangay chairwoman at kapatid nito nang makuhanan ng mahigit P2 milyong halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Dasmariñas City, Cavite.

Kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act ang kinakaharap ng naarestong suspek na si Papaladun Guinungco, 48, barangay chairwoman ng Brgy. Datu Esmael.

Arestado rin ang kapatid nitong si Macapado Guinungco, alyas ‘Mike’, 65.

Sa ulat ni PSSgt. Kristian Vega ng Dasmariñas City Police Station, dakong alas-3:30 kamakalawa ng hapon nang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Dasmariñas Police barangay ng kapitana.

Sa isinagawang transaksiyon, nakabili ang poseur buyer mula sa dalawang suspek ng tinatayang 5 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P12,000.

Dito na ikinasa ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawa at narekober ang buy-bust money, kalibre .45 na baril at mga bala.

Bukod sa nakuhang 5 gramo ng shabu, narekober din kay Papaladun ang tinatayang 300 gramo ng shabu na may street value na P2,580,000.

Ang mga suspek ay kasalukuyang nakakulong sa Dasmariñas City Custodial Center. (Gene Adsuara)