Brgy. Ex-O sa Caloocan niratrat

Patay ang ­executive officer ng isang ­barangay sa Caloocan City maka­raang pagbabarilin ng da­la­wang kalalakihan pasado alas-11:00 kamakalawa ng gabi.

Naglalakad nang rat­ratin sa isang covered court sa tapat ng kanilang barangay hall ang 56-an­yos na biktimang si Rolando Relebante, executive officer ng Barangay 8 sa Dagat-Dagatan at residente ng Block 5, Sugpo St., Tupda Village sa naturang lugar.

Matapos pagbabarilin ang biktima, naglakad lamang palabas ng covered court ang dalawang suspek na nag-uusap pa umano na tila walang nangyari.

Sinaklolohan ng mga barangay tanod ang biktima at isinugod sa Pagamutang Bayan ng Malabon ngunit hindi na rin ito nailigtas dahil sa mahigit kumulang 10 tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Napag-alaman ­naman kay Caloocan City Police homicide investigator PO3 Noel Bollosa na nababalita umano ang bik­tima na sangkot sa droga pero kinukumpirma pa ito ng mga awtoridad.