Brgy at SK polls postponement ayos na

aquilino-pimentel-iii

Wala ng problema sa planong pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections, ayon kay Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III.

Paglilinaw ni Pimentel, nasa Kamara pa ang panukalang pagpapa­liban ng halalan at hindi pa ito naiakyat sa Senado, ngunit wala naman umano siyang nakitang magkaroon pa ito ng problema.

“Wala pa sa amin, nasa Congress pa. Pero wala namang masyadong angal diyan,” ayon kay Pimen­tel kasabay ng pagsasabing kanila itong maipapasa sa susunod na buwan.

Paliwanag pa ni Pimentel, halos lahat naman ay suportado ang pagpapaliban ng halalan basta pairalin ang holdover capacity sa halip na sa pamamagitan ng appointee na unang binaba­lak ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa Oktubre sana ida­daos ang halalan.

Kung matatandaan, ang pangulo mismo ang nagtutulak ng postponement dahil sa pagkakasangkot ng maraming barangay officials sa ilegal drugs.