Isasailalim ngayon ng pamunuan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang mga deputized na barangay tanod sa maigting na pagsasanay para sa traffic management upang makatulong sa paglutas ng trapiko sa Metro Manila.

Bukod sa traffic management training, sasanayin din ang mga barangay tanod sa 13 barangays sa Quezon City para sa anti-littering, anti-jaywalking, clearing operation laban sa mga illegal parking na behikulo at illegal vendors sa kanilang komunidad.

Sa Martes, Mayo 16 ay makikipagpulong si MMDA officer-in-charge Tim Orbos sa 13 barangay officials ng Quezon City at mga miyembro ng Quezon City’s Department of Public Order and Safety sa tanggapan nito sa Makati City.

Isa sa mga pangunahing agenda ay ang pagsasanay sa mga deputized na mga barangay tanod ng Brgys. Veterans Village, Ramon Magsaysay, Batasan Hills, Commonwealth, Holy Spirit, Old Balara, Loyola Heights, E. Rodriguez, Immaculate Concepcion, San Martin de Porres, Socorro, Apolonio Samson at Balingasa.