Lilipad sa Spectrum Center sa Charlotte, North Carolina ang apat sa pinakamatayog lumipad na NBA players para magpasiklaban sa 2019 AT&T Slam Dunk ngayong araw.
Ang 34th Slam Dunk ay bahagi ng State Farm All-Star Saturday Night na tatampukan din ng Taco Bell Skills Challenge at Mtn Dew 3-Point Contest.
Pataasan ng lipad at pahirapan ng dakdak sina Charlotte Hornets forward Miles Bridges, Atlanta Hawks forward-center John Collins, Oklahoma City Thunder guard Hamidou Diallo at New York Knicks guard Dennis Smith, Jr.
Lilipad sa kanyang home arena si 6-foot-7 Bridges, unang Slam Dunk participant ng Hornets kasunod ni Gerald Wallace noong 2010. May 12 double-digit scoring ngayong season si Bridges, 12th overall pick noong 2018.
Si 6-10 Collins ang leader ng Atlanta sa scoring (19.6 ppg) at rebounding (10.0 rpg). Naglaro rin siya para sa US Team sa Rising Stars kahapon.
Nakapag-record ang 6-5 guard na si Diallo ng 44.5-inch maximum vertical jump noong 2017 NBA Draft Combine, second-highest mark sa event history. Siya ang 45th overall pick ng Oklahoma City noong 2018.
Pinakamaliit sa field si 6-3 Smith, napunta sa Knicks mula Dallas sa Kristaps Porzingis trade noong Jan. 31.