Naging usap-usapan ang tweet ni Miles Bridges sa halftime ng Teams USA vs. Team World sa Rising Stars game ng All-Star weekend nitong Biyernes sa United Center sa Chicago.
“Alright bet,” post ng Charlotte Hornets forward.
Naiiwan noon ang Americans 81-71 pagkatapos pumasok ng bato ni Luka Doncic sa buzzer para ilayo ng 10 ang World.
Parang hinihimok ni Bridges ang mga bettor na pumusta na, dahil may magaganap na turnaround.
Pagdating ng second half, umariba pa nga ang Team USA, si Bridges ang namuno sa 27-5 run para agawin ang lead.
Si Bridges pa ang tinanghal na game MVP.
“Just saying we have to play for real,” salag ni Bridges nang matanong sa kanyang tweet. “I just tweeted that, just tyin’ to be funny. … It’s ironic that I came up with 20.”
Ang sinasabi niyang 20 ay ang kinamadang puntos mula 8 of 12 shooting na nagtulak sa Team USA sa 151-131 win. May sahog pang 5 rebound, 5 assist at 3 steal si Bridges.
Inamin pa niyang hindi dapat na nagtu-tweet ang players kahit sa halftime para hindi mapagbintangan ng kung ano-ano. (Vladi Eduarte)