Brigadier General Debold Sinas kung pulis ka, ipagmalaki mo!

Brigadier General Debold Sinas kung pulis ka, ipagmalaki mo!

Dahil naging pinuno na ng Police Regional Office 7 sa Central Visayas sa loob ng halos dalawang taon si National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Brig. Gen. Debold Sinas, kaunting pagsasaayos na lang ang ginawa niya nang maitalaga bilang kapalit ni dating NCRPO chief Maj. Gen. Guillermo Eleazar.

Isang buwan pa lang si Sinas sa pamumuno sa NCRPO pero nangako siyang ipagpapatuloy at paghuhusayin pa ang mga nagawa ni Eleazar.
Sa panayam sa kanya sa programang Walang Atrasan ng Abante News Online, sinabi ni Sinas na naging kaklase niya si Eleazar sa Philippine Military Academy (PMA) Batch ‘87.

Marami na aniyang nagawa si Eleazar, una na rito ang pagkakaroon ng magandang pakikipag-ugnayan sa ibang law enforcement agency, sa media, PGS Advisory Council, at internal discipline na ipagpapatuloy at lalo pa niyang paiigtingin. Dasal ni Sinas na matapatan man lang ang mga nagawa ng dating NCRPO chief.

Kabilang sa adbokasiya niya ang pagiging “proud to be policeman” sa pamamagitan ng pagsusuot ng maayos na uniporme. Hindi aniya dapat mahiyang naka-uniporme sa kalsada at sa mga mall ang pulis.
Naniniwala siyang kung wala namang ginawang masama, bakit mahihiya ang isang pulis kapag nakasuot ng uniporme.

5 kampanya ng NCRPO

Mayroong limang kampanya ang NCRPO batay na rin sa direktiba ni Philippine National Police (PNP) officer-in-charge Archie Gamboa.
Una rito ang paigtingin pa ang war on drugs. Pangalawa, ang paglilinis sa kanilang hanay o internal cleansing.

Pinagsabihan na umano nila ang mga kasamahan na dapat hindi bumaba ang moral at dapat matuwa pa kapag may nahuhuling mga kabaro dahil nababawasan ang mga pasaway sa hanay nila. Kung may nagawang mali ang mga ito ay hindi dapat itago.

Pangatlo, paigtingin ang kampanya laban sa iba pang krimen at ‘focus crimes’ katulad ng mga loose firearm, wanted person, at illegal gambling. At tutukan din ang mga krimen na katulad ng murder at homicide.

Pang-apat ang ‘security for any major events’ sa Metro Manila katulad ng gaganaping Southeast Asian (SEA) Games, holiday season, at Traslacion Dapat tiyakin ang seguridad para sa mga event na ito dahil nandoon daw ang karamihan ng mga Pilipino.

Panglima, huwag pabayaan ang moral at kapakanan ng kanilang mga tauhan dahil kapag bumaba ang moral ng mga pulis ay magiging pasaway na. Kaya dapat alagaan para maging ‘proud’ ang mga ito na maging pulis.

Isumbong mo kay hepe

Masaya si Gen. Sinas sa mga kababayan pati na sa media na nagpapadala sa kanila ng litrato ng mga pulis na nagpupunta sa sabungan o casino.
Aniya, hindi naman kasi nila mababantayan lahat ang mga ito.

Kaya nanawagan siya na suportahan ang kapulisan at isumbong ang anumang kabalbalan ng mga ito.

Siniguro niyang hindi itatago o walang whitewash sa imbestigasyon laban sa mga pasaway na pulis.

Kung nasaksihan na may ginawang kabalbalan ang isang pulis ay maaaring piktyuran o isumbong ito sa kanilang hotline na Globe: 0915-888-818 at Smart: 0999-901-818 (text at Viber).

Zero death sa droga ‘di maiiwasan

Aminado si Gen. Sinas na target man nila ang ‘zero death’ sa war on drugs, hindi pa rin maiiwasan ang pagkakaroon ng casualty.
Pero pinaalalahanan na niya ang mga pulis na kapag hindi sila inunahang barilin ng suspek ay arestuhin ito.
Pinagsuot na rin niya ng bulletproof vest ang kanyang mga tauhan.
Sa panig ni Sinas, ayaw naman niyang magbuwis ng buhay ang isang pulis na ginagampanan lang ang kanyang tungkulin.

Tugisin ang mga tulak

Pinagsabihan din ni Gen. Sinas ang kanyang mga tauhan na bawasan na ang panghuhuli sa paisa-isa o dalawang sachet lang ng shabu dahil hindi maiwasang sabihin ng iba na ‘itinanim’ lang ito ng pulisya.

Dapat aniyang ang nagtutulak ng droga ang hulihin at hindi ang bumibili.
Depensa naman ng iba, ang kakulangan sa marked money ang dahilan nito kaya dinagdagan na nila ito.

Ebidensiya markahan sa crime scene

Para maiwasan nang pagdudahan o masabing ‘planted’ ang mga nakukumpiskang ebidensiya kontra droga, inutos ni Gen. Sinas sa mga police chief sa Metro Manila na sa mismong crime scene na magmarka ng mga ebidensiya pagkatapos ay kukunan ito ng litrato at ilalagay sa report kung sino ang testigo katulad ng barangay kagawad at media.

Bawal nang dalhin sa mga estasyon ng pulisya ang mga ebidensiya para doon markahan.

Dapat din aniyang may kasama ang mga pulis kapag nag-operate katulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahil kapag sila-sila lang ay naroon ang tukso at baka may mangyaring dagdag-bawas sa mga nakukum­piskang droga.