Briones kinansela ang Palarong Pambansa

Tuluyan nang sinuspinde ng Department of Education (DepEd) ang 63rd Palarong Pambansa 2020 at iba pang malalaking event ngayong taon bilang pag-iingat sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isang virtual press briefing, sinabi ni DepEd Sec. Leonor Briones, na ang desisyon niya’y para maiwasan ang maramihang pagtitipon ng tao na posibleng magpakalat sa nakamamatay na virus pandemic

“Iyong ating usual activities na napaka-exciting, nakakatuwa, na lahat, buong bansa nakikisali talaga, national events ay pansamantalang kina-cancel natin tulad halimbawa ng Palarong Pambansa ng buong bansa naman talaga naglalaro,” wika ni Briones.

Maging ang iba pang mga event ng DepEd gaya ng talent contest, science at job fair, at iba ay kanselado na rin lalo na sa mga lugar na nasa ECQ o enhanced community quarantine.

Nakatakda sanang idaos ang Palarong Pambansa sa Marikina City sa Mayo 1-9, 2020.

Una nang inanunsyo ng Kagawaran ang pagbubukas ng school year 2020-2021 sa Agosto 24. (Issa Santiago)