Kinasuhan ng Bureau of Customs (BOC) sa Department of Justice (DOJ) ng smuggling ang 12 kawani ng ahensiya kasama ang isang importer at broker na umano’y nagsabwatan sa tangkang pagpupuslit ng asukal.

Nadiskubre ni Customs Commissioner Isidro Lapeña ang plano ng Don Trading na magpuslit ng 5,000 sako ng asukal sa Manila International Container Port (MICP) noong nakaraang linggo at ang tangkang pagtatakip ng ilang kawani ng BOC sa nasabing iligal na gawin.

Gayunman, mahigpit ang pagtanggi ng mga isinangkot na empleyado na may iregularidad sa deklarasyon sa import entry sa kabila ng inilabas na alert order.

Ang anim na ­shipment na ­naka-­consign sa Don Trading na ­duma­ting sa Pilipinas mula sa ­Thailand ay inalerto ng district collector ng MICP alinsunod sa kautusan ng komisyuner.

Gayunman, inirekomenda umano ng mga Customs examiner at mga opisyal sa MICP ang pag-alis ng alert order.

Ngunit muling ineksamin ng komisyuner ang report pagkatapos nitong mag-alinlangan sa ulat.

Nang muling eksaminin noong Agosto 16, natuklasan na ang kargamento ay totoong naglalaman ng asukal, at ang mga ginawang eksaminasyon at litrato ay pawang dinaya ­lamang.

Bilang resulta, anim na kasong kriminal dahil sa paglabag sa Section 1403 (Fraudulent Practices Against Customs Revenue) at Section 1401 (Unlawful Importation) na may kaugnayan sa Section 1400 (Misdeclaration) at Section 117 ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), Section 3 ng RA No. 10845, o mas kilala bilang An Act Declaring Large-Scale Agricultural Smuggling as Economic Sabotage, at Article 171 at 172 (Falsification) ng Revised Penal Code, ang isinampa laban sa may-ari ng Don Trading, Dennis Orlanda Narra, at ang Customs broker nito na si Ameloden Buruan Riga para sa kanilang iligal na importasyon ng asukal ng pinagsamang halaga, kasama ang duties and taxes, na P13,522,154.

Ang 12 kawani ng BOC na kinasuhan dahil sa pakikipagsabwatan umano sa importer at broker upang ayusin ang pagpapalabas ng misdeclared na asukal ay kinilalang sina: Customs Examiners Ruel Pantaleon, Raul Cimagala Jr., Vanzandt Remonde, Edmar Batino at Robert Tuason; Customs Appraisers Jose Saromo, Benjamen Cayao, ­Leonora Navarro at Arlene Salazar; OIC District Collector of MICP Fidel Benigno B. Villanueva na siyang nag-apruba ng rekomendasyon para maalis ang mga alert order; Special Assistant on Assessment for the District Collector Terencio Comon; at si Office of the District Collector representative Gerardo Porible na tumayo bilang witness para sa maling eksaminasyon.

Kinasuhan din ang mga kawani ng BOC ng paglabag sa Section 1431 (Statutory Offenses of Officers and Employees) (d), (e), (f), at (g) ng CMTA.

“I would like to warn all BOC employees to stop colluding with unscrupulous individuals. As I have said, you may get away with it once or twice, but soon I will catch up with you. This is my personal commitment. Itigil n’yo na ‘yan!” diin pa ng komisyuner.