Mula’t sapul, hindi nakaugalian ng Pambansang Kamao Manny Pacquiao na magsalita ng masama sa kanyang katunggali.

Ni hindi nagpapakita ng magaspang na ugali o pag-aangas.

Sa darating na title defense niya ng kanyang WBA 147-pound diadem sa Enero 19, 2019 sa Las Vegas, respeto pa ang ibinigay ni Pacquiao sa makakaharap na si Adrien Broner.

Bagama’t usap-usapan na ang rematch niya kay Floyd Mayweather, Jr., mas pagtutuunan daw muna ng atensiyon ng eight-division champion ang Amerikanong karibal na si Broner.

“We cannot underestimate Adrien Broner, we cannot underestimate this fight. I have to get through this fight first before we talk about the rematch with Floyd Mayweather,” ayon sa report ng boxingscene.com.

Kahapon ay pormal nang inanunsiyo ang nasabing bugbugan ng dalawang malulupit na boksingero sa ginawang press conference sa New York.

Kung si Pacquiao ay puno ng respeto kay ­Broner, maangas naman ang challenger.

“I’m gonna beat your (expletive) ass, you worry about Floyd, he’s already beat you brother,” pagya­yabang ni Broner.