tira alahoy

Alec Paolo Ventocilla

Hindi nga inasahan ng nakararami ang pagpasok ng Brooklyn Nets sa playoffs ngayong 73rd NBA season, pero tinapos nila ito at umupo sa ikaanim na puwesto sa Eastern Conference.

Pinatunayan ng koponan na kahit hindi sila powerhouse ay kaya pa nilang umabante sa playoffs. Paano pa kaya kung powerhouse sila?

Maaari ngang mag-reunite sina New Orleans Pelicans forward Julius Randle at D’Angelo Russell sa Brooklyn. Naging maganda ang chemistry ng dalawa sa Los Angeles Lakers, at pareho silang binitiwan ng koponan nang makuha si 3x NBA champion LeBron James.

Pareho silang gumawa ng ingay nang matapos nilang parehong maganda ang season at napabilang pa sa All-Star si Russell. Si Randle ay nag-a-average ng 21.4 points sa 52.4 percent shooting at 34.4 percent shooting sa three-point area, 8.7 rebounds, 3.1 assists habang si Russell ay may average na 21.1 pts., 3.9 rebs. at 7.0 asts.

‘Di lang naging sapat ang magandang stats ni Randle upang makapasok ang Pelicans sa mabigat na Western Conference, at gaya ng Lakers, naging magulo rin ang kanilang season nang umalingawngaw ang trade rumors ni Pelicans star Anthony Davis kapalit ng ilang player sa Lakers. May player option si Randle sa kanyang 2-year contract sa Pelicans na nagbibigay karapatan para maging unrestricted free agent siya sa darating na bakasyon.

Sa magandang pagtapos ng Nets ngayong season, kaya pa rin nilang palakasin ang koponan sa darating na season. Sa laki ng salary cap space, maaari i-prioritize ang pagkuha ng malaking pangalan gaya nina Kyrie Irving, Jimmy Butler, Klay Thompson, Kawhi Leonard, Kemba Walker at siyempre si Kevin Durant.

Kung ‘di man kunin ng Nets si Randle, marami ang gugustong kumuha sa kanya dahil sa naka­bibilib na ipinakita niya ngayong season lalo na habang may injury pa si Anthony Davis.
***
Gaya ng aking nakaraang column, handa na ngang lumayas si Durant sa Bay Area at ang pinakamaingay at paboritong destinasyon niya ay ang New York Knicks. Dahil nga naman sa salary cap space ng koponan na kaya pang kumuha ng isang superstar bukod sa kanya.

Lumalaki ang tsansang umalis si Durant dahil una, kapag sinabi sa iyo ng kakampi mo na ‘di ka nila kailangan sa inyong team kapag may komprontasyon, siguradong tatatak ang salitang iyon.

Pangalawa ay ibinibenta nga nito ang kanyang mansyon sa Malibu, California sa halagang $13.5 million.

Ngunit ang Brooklyn Nets ay may mas malalim na roster at kayang kumuha ng superstar gaya ni Durant. Kung titingnan, nasa mas maayos na posisyon ngayon ang Nets kaysa Knicks. Nakapasok sa playoffs, mas maayos na coaching staff, maayos ang sistema, na maaaring sumakto sa laro ni Durant.

Ang Nets ay pangatlo sa NBA sa mga may naipasok na tira sa tres nang hindi galing sa pasa o assist, kung saan ganoon ang laro ni Durant na mahilig sa isolation at biglang pull-up sa three-point area.

Kung gusto ni Durant na maibalik ang respeto at pagmamahal sa isang fan base at bitbitin ang isang koponan, puwede rin niya itong magawa sa Brooklyn. Ang franchise ay ‘di pa nananalo ng kampeonato na maaari niyang pamunuan. Hindi maikakaila na mas maganda ngayon ang ipinapakita ng franchise ng Brooklyn kaysa New York.

Sa aking palagay ay depende sa magiging resulta ng playoff run ng Warriors ang magiging desisyon ni Durant sa darating na free agency ngayong su­mmer. Gaya ng aking sinabi, kung hindi papalarin sa kampeonato ay siguradong aalis na ito sa Bay Area!

***
Patuloy niyo rin pong suportahan ang online show ng Abante, ang Sportalakan, tuwing Martes alas-sais nang gabi sa Abante News Online. Maraming salamat po!