Brownlee, Gin Kings lulunurin ang B’Water

Brownlee, Gin Kings lulunurin ang B’Water

Mga laro ngayon:
(Araneta Coliseum)
4:30 pm — Columbian vs. Meralco
7:00pm — Ginebra vs. Blackwater

Uumpisahan ng Ginebra ang depensa ng korona ng PBA Philippine Cup mamaya sa second game sa Smart Araneta Coliseum.

Unang nakaharang sa Gin Kings ang Blackwater na galing sa ope-ning-day 94-91 overtime win kontra Meralco noong Linggo.

Ibinalik ng crowd favorites si Justin Brownlee para muling maggiya sa kampanya sa midseason tournament.

Hindi na kailangang ipakilala si Brownlee, nasa Ginebra na mula 2016 at naihatid ang team sa back-to-back titles sa 2016 at ’17 Governors Cups. Noong isang taon, kalagitnaan ng Commissioner’s Cup nang dumating si Brownlee para ihabol ang team sa playoffs.

Sa Finals, pinatalsik ng Gins sa trono ang San Miguel Beer 4-2. Sinikwat ni Brownlee ang Best Import award ng conference.

Nakalistang 6-foot-7, si Brownlee ang pinakamaliit sa imports ng torneo na may height ceiling na 6-10.

Una siyang masusubukan laban sa balik-import ding si Alex Stepheson, nagsumite ng 21 points, 31 rebounds at 2 assists kontra 6 turnovers para bitbitin ang Elite sa panalo kontra dating team. Naglaro si Stepheson sa Bolts sa parehong torneo noong 2017.

Bibinyagan din nina Ginebra guards LA Tenorio, Scottie Thompson at Sol Mercado ang tigasing rookie ng Blackwater na si Ray-Ray Parks.

Sa kanyang debut sa Elite, nag-deliver si Parks ng 20 points mula 6 of 19 shooting, may 8 rebounds at 2 assists pero natawagan din ng 8 turnovers.

Mag-uunahan sa pagbangon ang Meralco at Columbian sa first game. Tinakbuhan ng Alaska ang Dyip 111-98 noon ding opening day. (Vladi Eduarte)