Na-delay ang Ginebra-Meralco duel sa PBA Governors Cup Finals, makalipas ang isang season ay natuloy rin ang Chapter 3.
Sinipa ng Bolts ang TNT sa sagarang limang laro sa semis, huli 89-78 sa Antipolo nitong Lunes.
Unang pumalaot sa championship round ang Gin Kings nang kalusin sa apat na laro ang NorthPort.
May dalawang linggo ang Meralco para paghandaan ang unfinished business nila laban sa Gins.
Inari ng Ginebra ang Bolts noong 2016 at 2017 para itaas ang back-to-back titles ng season-ending conference.
Misyon ni Allen Durham na buweltahan si Justin Brownlee at ang Gins.
Pahahabain naman ni Brownlee ang dominasyon kay Durham at Bolts.
Sisiklab ang best-of-seven series sa Jan. 8 sa Smart Araneta Coliseum.
Nambarako si Durham ng near triple-double na 28 points 10 rebound at 8 assists sa series-clinching win laban sa KaTropa.
Mainam din ang suportang nakuha niya kina Bong Quinto, Chris Newsome at Allein Maliksi.
Hindi natuloy ang Book 3 noong isang taon dahil parehong nasipa ang dalawa sa semis – Meralco sa Alaska at Ginebra sa eventual champion Magnolia.
“I feel like we really had everything thrown at us,” ani coach Norman Black tapos dispatsahin ang TNT. “But everybody was focused to get back to the championship round again.”
May pinagsamang 13 points sina Maliksi at Newsome sa third para ayudahan ang 10 ni AD para agawin ang lead 66-61 papasok sa fourth.
Tampok sa career-high 19 points ni Quinto ang walong tinuhog niya sa bukana ng final period para ilayo ang lead.
Pagkatapos ni Quinto, si Newsome naman ang kumana ng back-to-back baskets para ilista ang biggest margin na 84-68. Tumapos si Newsome ng 23 markers. (Vladi Eduarte)