Brownlee, Ginebra tatasahan ang Magnolia

Mga laro ngayon (Smart Araneta Coliseum)
4:30 pm – Alaska vs. Meralco
6:45 pm – Ginebra vs. Magnolia

Manila Clasico na naman sa Smart Araneta Coliseum mamaya.

Main game ng double-header ng PBA Commissioner’s Cup ang bakbakan ng mahigpit na magkaribal na Ginebra at Magnolia Pambansang Manok.

Sa unang sultada ay salpukan ang parehong mainit na No. 2 Alaska (7-1) at nasa ilalim lang nilang Bolts na kabuhol ang TNT KaTropa sa third-fourth sa 6-2.

Nasa fifth-sixth ang Hotshots kabuhol ang GlobalPort sa 4-4, naglilimlim sa 10th place ang Gin Kings sa 2-5.

Top 8 teams lang ang papasok sa playoffs pagkatapos ng 11-game eliminations, kaya nasa delikadong lagay ang Gins. Pipilitin naman ng Magnolia na umangat pa sa standings.

“It’s the Manila Clasico and both teams need a win big time, so it will be exciting,” pahayag ni Gin Kings coach Tim Cone sa bisperas ng bakbakan.

Pinutol ng Hotshots ang three-game skid nang ilampaso ang TNT 111-89 noong lang Miyerkoles, mataas ang momentum na haharapin ang Gins.

Krusyal sa Ginebra ang laro, dahil dito posibleng nakasalalay ang kapalaran nila sa next round.

“They are coming off a huge must-win against TNT and are confident,” dagdag ni Cone. “For us, this game could decide our playoff life. We need to be ready.”

Nangalabaw si Justin Jackson ng 18 points, 19 rebounds, 7 assists at 2 blocks sa dambuhalang panalo kontra Texters, nahawa pati sa sipag niya si Rodney Brondial na umayuda ng 16 points at 8 boards. Si Paul Lee, maangas ding nagsumite ng 25 points, 17 dito sa third quarter nang kumalas ang Magnolia.

Muling aasa si Cone kay Justin Brownlee na may 23 at 22 sa 93-85 win ng Gins kontra NLEX noong June 9, at sa mga old reliables na sina Japeth Aguilar, Greg Slaughter, LA Tenorio at Scottie Thompson. (Vladi Eduarte)