Sa second half ng PBA Commissioner’s Cup, pareho pa ring naglilimlim sa ilalim ng standings ang Ginebra at NLEX.

Nasa 11th ang Gin Kings (1-5), sa itaas lang nila ang Road Warriors (2-5).

Krusyal na ang mga huling laro ng dalawa umpisa mamaya sa Petron Saturday Special ng midseason tournament sa Ibalong Centrum for Recreation sa Legazpi City, Albay.

Ang top 8 teams lang pagkatapos ng 11-game eliminations ang aabante sa playoffs kaya magkukumahog ang mga nasa ibaba na humabol.

Asahan ang pukpukang laro ng NLEX at Ginebra.

Dumating na si Justin Brownlee kapalit ni Chuck Garcia, pero hindi pa rin makaangat ang Ginebra na huling tumukod sa San Miguel Beer 104-97 sa overtime noong June 3.

“We’re playing our third game na kumpleto kami,” pahayag ni Gins court general LA Tenorio, hinahanap ang Never Say Die ng team para maka­bawi. “I think there are positive things na puwedeng kuhain namin sa weekend games.”

Galing din ang NLEX sa talo noong Linggo rin 117-106 kontra TNT KaTropa. Naga-adjust pa ang Road Warriors sa pilay na backcourt bunga ng pagkawala nina Kiefer Ravena (18-month suspension ng FIBA) at Kevin Alas (ACL).