Isinalba ng dalawang free-throws ni World import Justin Brownlee ang Alab Pilipinas mula sa matinding hamon ng Chong Son Kung Fu China sa pagtakas ng 94-91 overtime win sa 8th Asean Basketball League 2018 elims Miyerkoles sa Santa Rosa Sports Center.
Sinalpak ni Brownlee ang krusyal na dalawang free throw upang ibalik sa manibela Alab Pilipinas 92-91, may 48 segundo sa laro, bago sinandigan ang depensa ng kapares na import na si Renaldo Balkman.
Ninakaw ni Balkman ang bola sa huling apat na segundo upang ipreserba ang pang-apat na sunod na ragasa at ikapitong panalo kontra apat na talo ng PHL 5 sa pagkapit sa pang-apat. Hindi natinag ang Chinese sa segunda sa 6-2.
Unang itinabla ng kasalukuyang MVP na si Bobby Ray Parks Jr. ang laro matapos sumablay sa isang free throw 90-all, may 2:09 minuto pa, bago pinuwersa ang dumayong kalaban na sumablay sa isang tres at guluhin sa natitirang 35 segundo upang umangat sa ikaapat na puwesto ng host team.
Pinangunahan ni Parks Jr. ang Pinoy quintet sa kinolektang 31 puntos, 6 rebound at 2 assists habang sumuporta sina Brownlee na may 20 puntos, 11 rebound at 6 assist, si Balkman may 20 puntos, 16 rebound, 6 assist, 3 steals at 6 blocks.
Nag-ambag din si Joshua Urbiztondo ng siyam na puntos lahat sa 3-point shot sa ikaapat na yugto kung saan naibigay ang dalawang puntos na abante sa Alab Pilipinas sa regulasyon bago na lamang nakahatak ang kalaban ng dagdag na 5 minuto. (Lito Oredo)