Brownlee papagasolina

Nilampaso ng Meralco ang Ginebra 101-73 sa nag-iisang pagtatapat nila sa eliminations ng PBA Go­vernors Cup.

Nagkrus muli ang landas ng Gin Kings at Bolts sa finals ng season-ending conference, babasagin ang best-of-seven mamaya sa Smart Araneta Coliseum.

Liyamado ang Gins sa tingin ng iba dahil magkasunod na taon nilang tinalo sa titulo ng parehong torneo ang Bolts noong 2016 at 2017, pero mukhang ‘di pa maka-move on si Justin Brownlee sa beat-down na inabot sa Bolts nitong Nov. 3.

“We hope to add some fuel from that game and just come out and play hard,” giit ni Brownlee, nalimitahan sa 18 points lang mula 8 of 19 shooting sa larong ‘yun.

“They beat us pretty hard.”

Pinag-aralan nila ang tape ng larong ‘yun, nakita ang mga bagay na kailangang ayusin.

Isa na rito kung paano lilimitahan si Allen Durham.

Pinaglaruan ni AD ang triple-double sa 39 points, 12 rebounds at 7 assists. ‘Di siya napigilang humarabas ng 16 of 21 mula sa field, 4 for 5 sa 3-pointers.

Handa na muli si Brownlee sa pangatlong titular showdown nila ni Durham sa nakalipas na apat na taon. (VE)