Dumayo pa ng Caga­yan de Oro City ang Ginebra para igapang ang panalo laban sa Phoenix 101-99 sa Petron Saturday Special game na nagkatalo hanggang sa huling segundo.

Inumpisahan ni Justin Brownlee ang balikwas ng Gins sa third quarter, ang super-import din ang tumapos para selyuhan ang panlimang panalo kontra isang talo at upuan ang solo-lead ng PBA Governors’ Cup. Dumausdos sa 5-2 ang Fuel Masters.

Bago kagabi, hindi pa tinatalo ng Ginebra ang Phoenix ngayong season, 1-5 sila sa Fuel Masters mula pa noong isang taon.

Nakalista si Greg Slaughter, 11 ang nasa lineup ni coach Tim Cone, pero hindi pa rin pinaglaro ang 7-foot center at si Jett Manuel.

Pigil-hininga ang predominant Ginebra crowd sa Xavier University Gym pagkatapos ng split charities ni Brownlee na nagbigay sa kanila ng 101-99 lead 10.2 seconds na lang.

Binaba ni Matthew Wright ang bola para sa huling diskarte ng Fuel Masters, pero nang raragasa na sa basket ay tinapikan ni Brownlee at napunta kay LA Tenorio ang bola.

Naiwan 52-49 ang Ginebra sa halftime, sa pangunguna ni Brownlee ay umariba sa third at na-outscore ang Phoenix 29-20 para lumamang 78-72 papasok ng fourth.

Naagaw ng Fuel Masters ang manibela 87-85 sa basket ni Jason Perkins 8:16 sa laro, pero agad binawi ng 3 ni Brownlee.

Huling nanindak ang Fuel Masters sa 3 ni Wright sa sulok 100-99, 17 seconds na lang bago ang huling biyahe ni Brownlee sa stripe.

Bumitaw ng 33 beses sa basket si Brownlee at naipasok ang 13 tungo sa 34 points, may 15 rebounds, 6 assists at 4 blocks.

Lahat ng hugot ni Cone, may kontribus­yong 4 points pataas.

Tumapos ng 15 points si Joe Devance, may 12 points, 14 rebounds at 6 assists si Scottie Thompson, may 10 markers at 5 feeds si Tenorio.

Nagsumite ng 27 points mula sa perpek­tong 5 for 5 shooting sa labas ng arc si Wright, may 23 points at 13 rebounds si Eugene Phelps, at kumayod ng 17 points si Calvin Abueva sa Phoenix.