Brownlee, Walker sinalpak sa Alab

Justin Brownlee (Patrick Adalin)

Iaahon nina Justin Brownlee at Henry Walker ang lulugu-lugong kampanya ng Tanduay-Alab Pilipinas sa 7th Asean Basketball League (ABL) elims.

Lumutang ang pa­ngalan nina Walker at Brownlee, dalawa sa maaasahang import na naglaro sa nakalipas na PBA Governors, para pag-alabin ang pabulusok na kalagayan ng koponan sa torneo.

Bitbit ng koponan na nirerepresenta ang Pilipinas sa liga ang 1-3 panalo-talong record kung saan ang tanging­ panalo’y nakamit sa Formosa Dreamers Taiwan, 78-61.

Papalitan ni Walker, dating naglaro sa Boston Celtics at tinulu­ngan ang Blackwater na makasampa sa PBA playoffs, si Reggie Okosa na naglaro sa pinakahuli nitong pagsama sa Alab kontra Dreamers.

Binasbasan ang pagkuha sa serbisyo ni Walker ng Blackwater team owner Dioceldo Sy, na planong gawin ang 6-foot-6 import mula Virginia na resident reinforcement ng Elite.

Napipisil naman si Brownlee na ipalit sa injured na si Ivan Johnson, ang dating Talk ‘N Text import na nay iniinda sa likod at hindi nakapaglaro kontra Formosa.

Tumulong si Johnson sa TNT KaTropa na masakote ang 2015 Commissioner’s Cup title.

Puwersado ang Alab na agad makasama sina Walker at Brownlee upang makatulong sa pagsagupa sa sunod na makakalabang Malaysia Dragons sa darating na Enero 3.