Malamig pa ang panahon ngayon at masarap matulog kahit na hindi gamitin ang electric fan at aircon sa kuwarto. Dahil dito, mahina rin ang konsumo ng kur­yente sa bawat tahanan. Eh paano naman kaya pagdating ng panahon ng tag-init kung saan babad sa gamit ang bentilador at aircon?

Malamang na makaranas na naman ng rotational­ brownout ang Metro Manila at iba pang panig ng ­Luzon kapag umimpis ang power supply ngayong­ summer. Nakadagdag pa sa problemang ito ang ­inihaing temporary restraining order (TRO) ng isang militanteng consumer group, Alyansa para sa Bagong ­Pilipinas, Inc. (ABP), sa Supreme Court laban sa ilang Power Supply Agreements (PSAs) na inihain sa ­Energy Regulatory Commission (ERC).

Gustong umepal ng ABP sa publiko subalit hindi nila nakikita ang magiging epekto nito sa development at construction ng ilang baseload power plant. Ang pitong PSA ay kayang gumawa ng 3,551 MW ng baseload supply na mapapakinabangan ng higit limang milyong electricity consumer sa loob ng tatlo hanggang limang taon.

Inaabot ng tatlo hanggang apat na taon ang pagtatayo ng power plant pero dahil sa ginawa ng militanteng grupo, nakatengga ang pagsisimula ng kons­truksyon ng power plant kung kaya’t malaki talaga ang posibilidad na maranasan natin ang mga power interruption sa mga susunod na buwan at taon.

Sinilip ko ang Facebook account ng ABP at ipinagmamalaki nilang sila ay “advocate for consumer safeguards and concerns especially towards fair, reasonable and least cost power, water, telephone”. Eh mukhang press release lang nila ito para makapanggoyo ng tao. Kaalyado kasi ang ABP ng makakaliwang organisasyon na ang pangunahing misyon ay isabotahe­ ang economic development sa bansa.

Palpak din ang inihaing petisyon ng ABP. Ang ­Petition for Certiorari and/or Prohibition ay maaari lang gamitin kung wala na silang opsyon na mag-apela­ o humingi ng “speedy and adequate remedy”. Sa ­madaling salita, walang “K” ang ABP na magsampa ng instant petition, isang palpak na hakbang na isinangkalan pa ang mga consumer na pinapangalagaan kuno.

***

Mukhang nagpapraktis na si Sen. Alan Peter Caye­tano na maging kalihim ng Department of Foreign ­Affairs (DFA). Pagsapit kasi ng Mayo 2017, tapos na ang one-year ban sa kanya at sa iba pang natalong kandidato noong May 2016 elections at maaari na itong i-appoint ng Pangulo sa gabinete.

Nitong Miyekules lang, isinulong ni Cayetano ang pagbuwag ng polisiya na obligahin ang Overseas Filipino Workers (OFWs) na kumuha muna ng Overseas Employment Certificate (OEC) bago makuha ang ­refund sa binayad na terminal fee. Exempted sa pagbabayad ng terminal fee ang OFWs pero kasama pa rin ito sa binabayaran nila kapag bumili ng plane ticket.

Nagbigay din ito ng mensahe sa delegates ng ­National Prayer Breakfast na ginagawa sa Estados Unidos. “We invite you to come to the Philippines and see for yourselves that the Philippines is not about hatred and violence as being shown in the international media.”

May tatlong buwan pa para mag-empake ng gamit si Sec. Perfecto Yasay. At kung si Cayetano na nga ang susunod na kalihim ng DFA, good luck na lang po, senator!