tonite-no-thanks-cristy-fermin
Bakit kaya ayaw mamatay-matay ng kuwentong kabaro rin niya ang gusto ng isang macho actor na nagpapakilig ngayon sa mga kababaihan at sangkabaklaan?

Sa biglang tingin ay wala namang pahimakas na lalaki rin ang kanyang hanap pero bakit may alimuom ang kanyang nakaraan na hanggang ngayo’y naaamoy pa rin ng marami niyang nakakasama?

Ang ganda-ganda ng kanyang katawan, halatadong sa gym na halos siya nakatira, kung kaguwapuhan naman ang magiging barometro ay marami siyang pakakainin ng alikabok.

Kuwento ng aming source, “Malayo nga sa katotohanan ang mga kuwentong kumakalat tungkol sa gender niya, pero ang mga nagsasabi nu’n, e, ang mga dati niyang nakakasama, pati ang mga dati niyang kaklase.

“Nasa high school pa lang daw sila, e, alam na nila ang kalalabasan ng guy. And to think na soccer player pa pala siya nu’n, ha?

“May mga kuwento na nu’n pa na naka-bromance niya ang isang co-player niya, inseparable sila palagi, hanggang sa kumalat na nga nang kumalat sa school nila ang very special nilang relasyon,” unang kuwento ng aming impormante.

Ngayon naman ay kumakalat ang kuwento na ang bagong apple of the eyes ng bruskong male personality ay isang foreigner. Simpleng-simple lang sila sa harap ng publiko kapag magkasama sila, pero kung ang tatanungin ay ang kanyang mga dating kasama, ‘yun na raw ‘yun!

“Nadagdagan ang pagdududa ng marami sa sexual preference niya nu’ng kumalat ang istoryang may nakarelas­yon siyang member ng isang grupo. Sa loob mismo pinag-uusapan ‘yun, kaya nabuo ang pagdududa na isa nga siyang macho gay.

“Pero foreigner na ang karelasyon niya ngayon, mas makakaya nga naman niyang itago ang secret niya, di ba naman? Nakakaloka naman ‘yun! Bruskong-brusko ang dating niya, pero naka-gown naman pala siya!” napapai­ling na na kuwento ng aming source.

 Regine ayaw lamunin si Sarah

Pansin na pansin na inaangkin talaga ni Regine Velasquez ang entablado ng nilipatan niyang musical variety show, ang ASAP Natin ‘To, dahil hindi lang siya maga­ling na performer kundi buhay na buhay siyang mag-host.

Punumpuno ng energy si Regine, parang wala siyang kapaguran, kahit saan siya ilagay na segment ay wala ka nang hahanapin pa kapag hawak na niya ang mikropono.

At kapag kumakanta na ang Asia’s Songbird ay hawak niya sa leeg ang manonood, parang walang humihinga at nakanganga lang habang bumibirit na siya, wala pa ring kupas ang kanyang talento.

Huwag na lang pansinin ni Regine ang mga bashers na hanggang ngayo’y paborito siyang pakainin ng ampalaya at pahigupin ng apdo, ang kanyang performance sa ASAP Natin ‘To lang ang maibabalik niyang sagot, hindi niya sinayang ang inaasahan sa kanya ng publiko nang magdesisyon siyang kumabilang-bakod sa Dos.

Kapag nagdu-duet na sila ni Sarah Geronimo ay para lang siyang kumakain ng kornik, pansin na pansin din na hindi siya makasarili, binibigyan niya ng moment si Sarah.

Palaging kuwento sa amin ng batang kontrabida si Gladys Reyes, Ako kasi, kapag napapanood kong kumanta si Ate Regine, ang naaalala ko, e, ang kabaitan niya.

“Nakasama ko siya sa isang serye, napagmasdan ko ang pagtatrabaho niya, professional siya. Saka maganda ang pakikisama niya sa aming lahat.

“Nagpa-party pa nga siya sa bahay nila ni Kuya Ogie, pinaghandaan niya talaga ang party, dahil nag-shopping pa siya ng gifts para sa aming lahat.

“Kaya kapag naririnig ko na hindi siya selfish as a singer, ang inaalala ko, e, ang hindi rin siya selfish as a person. Mabait talaga siya,” hindi napapagod si Gladys Reyes sa papuri sa Asia’s Songbird.