Halos buong season ay nagbubutas lang ng bangko sa Alaska si Carl Bryan Cruz, pero hindi nawalan ng pag-asa ang 6-foot-3 forward na produkto ng FEU.

Tiyaga-tiyaga lang siya, ginagawa ang ­trabaho sa praktis.

Tinanggap niya ang reward sa Game 3 ng PBA Governors’ Cup nang tawagin ni coach Alex Compton ang kanyang numero sa Ynares Center sa Antipolo.

Hindi sinayang ng dating National team player ang pagkakataon, kumayod agad sa mag­kabilang dulo ng court. Nilista niya ang pito sa 11-point swing na inari ng Aces para kumalas mula 22-16 deficit pagkatapos ng first quarter.

“Siyempre sa part ko, napakahirap,” ani Cruz, tumapos ng 10 points mula sa 4 of 7 field goal shooting at 2 for 4 sa 3-point range sa loob ng 15 minutes. “Ang motivation ko lang, stay patient at mag-work hard lang every practice.”

Sa third quarter ay nilista ni Mike Harris ang 22 sa kanyang game-high 36 points at itinakbo ng Aces ang 100-71 panalo para idikit ang best-of-seven series sa 2-1. Game 4 bukas sa Smart Araneta Coliseum.

Pati si Compton, natuwa sa kanyang magic bunot.

“Bryan’s been active in practice, listening, asking questions and working hard,” anang coach. “I’m happy for him that he got his reward of playing so well. Really proud of him.”