BSP, PDIC hinarang sa AMA Bank-Aguiluz takeover

Nakakuha ng temporary restraining order (TRO) ang Ama Rural Bank of Mandaluyong ng mga Aguiluz sa Court of Appeals (CA) na pumigil sa pag-takeover ng Phi­lippine Deposit Insu­rance Corp. (PDIC).

Ayon sa PDIC kahapon, nag-isyu ng TRO ang CA na umaawat sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at sa PDIC sa pagsasara nito sa AMA Rural Bank.

May 60 araw simula Nobyembre 26 ang bisa ng TRO na nakuha ng AMA Rural Bank sa CA.

Noong Nobyembre 7 inutos ng BSP ang pagsasara sa AMA Rural Bank at nag-takeover na ang PDIC noong Nobyembre 8.

Sinelyuhan na rin ng PDIC ang mga vault at cabinet ng AMA Rural Bank para mapangala­gaan ang mga laman nito nang walang sumipot sa mga tauhan ng bangko para sa turnover.

Sinabi ni PDIC President Roberto Tan na ang pangunahing layunin ng PDIC ay i-validate ang mga bank record para mabayaran agad ang mga depositor ng AMA Rural Bank.

Sabi pa ni Tan, naghahanap na nga ang PDIC ng ibang paraan para malaman kung paano mababayaran ang mga depositor kahit na hindi tinu-turnover ng bangko ang mga record nang inisyu ang TRO.

“In the meantime, the PDIC will pursue legal remedies,” sabi ni Tan.
Pinayuhan ng PDIC ang mga depositor, creditor at borrower ng AMA Rural Bank na antaba­yanan ang mga anunsyo nila sa opisyal na website ng PDIC. (Eileen Mencias)