Budget iaakyat ni Ping sa SC

Ikinukunsidera ni Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson na dalhin sa Supreme Court (SC) ang usapin sa 2019 national budget.

Sinabi ni Lacson na isa ang pagdulog sa SC sa kanyang mga opsyon sakaling maipasa ang panukalang budget na hindi naisasaayos ang mga kinukuwestyong probisyon.

“Isa sa mga option pero alam mo kaya lang naman nagkaroon ng napakalaking issue, remember ang 1M March na naganap? Nagkaroon ng consciousness sa publiko. Ngayon na-erode ang consciousness na ‘yan nababalik na naman at pinag-ikutan ang SC ruling,” sabi ni Lacson.

“That’s one of the options na puwedeng i-take kung meron akong makakasama na magtutulak para iliwanag uli ng SC ano ang pork,” dagdag ng senador.

Inamin ng mambabatas na sa ngayon ay hindi maituturing na pork-free ang budget.

“Pork-laden, hindi pork-free, sa ngayon, kung ‘di mababago ang porma ng ­budget na pinag-uusapan sa bicam, hindi ‘yan pork-free,” pag-amin ni ­Lacson.