Tiniyak ni Senador Sonny Angara na sapat ang pondo ng pamahalaan upang mas lalo pang mapaganda ang kalidad ng produkto at serbisyong pinapadala sa ibang bansa.
Ayon kay Angara, chairperson ng Senate finance committee, ang Department of Trade and Industry (DTI) ay nadagdagan ang pondo sa 2020 national budget para paigtiingin ang “Tatak Pinoy” program na nagpo-promote ng mga lokal na produkto sa global market.
Mula sa kabuuhang P6.1 bilyon noong 2019, umakyat ito sa P7.98 bilyon ngayong 2020.
“We cannot be contented with what we have and what we have already achieved. Our growth has been fueled by consumption and if we are to progress to the next level, we must work on making a shift from a consuming society to a producing society,” sabi ni Angara.
Bukod doon, dinagdagan din ang pondo para sa pagtatayo ng marami pang Negosyo Center sa bansa sa tulong ng MSME o micro, small and medium enterprises.
Ang Negosyo Center ang tumutulong sa pagsasaayos ng business registration ng MSMEs at binibigyan din ng mentoring at advisory services para madaling magkaroon ng access sa iba’t ibang credit at financing source, gayundin sa mga supplier at buyer. (Dindo Matining)