Kung ayaw makialam ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaso ni Mary Jane Veloso, ganito rin kaya ang sapitin ng ibang problemado at may kasong overseas Filipino workers (OFW)?

Ito ang tanong ni Se­nate Minority Leader Ralph Recto matapos matuklasan na ipinako ng pamahalaan ang panukalang budget para sa distressed OFWs sa 2017.

Bagama’t umabot sa P500 milyon ang ilalaang budget sa mga problemadong OFW sa susunod na taon, sinabi ni Recto na kakarampot lang ito kung ikukumpara sa kabuuang $28.48 bilyong remittance ng OFWs sa taong 2015.

Si Veloso ay hinatulan ng kamatayan dahil sa tangkang pagpupuslit ng heroine sa Indonesia. Noong 2015, napakiusapan ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III si Indonesian President Joko Widodo na isuspinde ang execution ni Veloso.

Gayunman, sa nakaraang state visit ni Duterte sa Indonesia, hindi ito gumawa ng hakbang para isalba sa death row si Veloso.

Ikinalungkot din ng senador ang natuklasan na P50 milyon lang ang Emergency Repatriation Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa 2017.