Bugbugang CJ, Robert tuloy sa PBA

Sa unang pagkakataon, magkakasukatan muli sina CJ Perez at Robert Bolick sa PBA na.

Pagkatapos ng ilang taong head-to-head sa NCAA, level-up ang karibalan ng dalawa sa pros.

Si Perez noon sa Lyceum, si Bolick sa San Beda. Hindi pinasingit ng Red Lions ang Pirates sa dalawang sunod na taon sa finals noong 2017 at 2018. Dalawang beses hiniya ni Bolick si Perez.

Sa PBA Draft noong nakaraang buwan, top pick overall ng Columbian Dyip si Perez, No. 3 ng NorthPort si Bolick, sa likod ni No. 2 Ray-Ray Parks ng Blackwater.

Sa debut game sa pros, pasabog si Bolick ng 26 points nang giyahan ang Batang Pier sa 117-91 win kontra Elite. Sa pangalawang laro, disenteng 14 points siya sa 95-90 victory kontra NLEX noong Jan. 20.

Pinantayan ni Perez ang 26-point production ng karibal nang silatin ng Dyip ang five-time champion San Miguel Beer noong Jan. 18. Nalimitahan siya sa 10 points 108-98 setback sa Phoenix noon lang Miyerkoles.

Magpapang-abot ang dalawa sa first game mamaya ng PBA Philippine Cup elims na darayo sa Ynares Center sa Antipolo. Sa nightcap ang basagan ng parehong 1-1 na Meralco at SMB.