Magkahalong sindak at nerbiyos ang naramdaman ng mga residente ng Maynila at Quezon City nang masaksihan sa pambihirang pagkakataon ang pananalasa ng buhawi kahapon ng hapon.
Ayon kay Jhonny Yu, hepe ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), dakong alas-4:30 ng hapon nang makunan pa ng cellphone video ang may tatlong minutong pananalasa ng buhawi sa ilang bahagi ng naturang lungsod.
“We are now assessing the situation from Balic-balic, Sampaloc to Baseco Compound,” ayon kay Yu.
“Wala namang reported na fatalities. Panay minor injury lang and destruction to properties.
Alerted na namin lahat ang mga responders to be in standby mode,” pahayag pa ng MDRRMO chief.
Nabatid na maraming yero sa mga bubungan ang natuklap, humapay ang mga poste at puno, nawasak din ang bubungan ng isang convenience store sa Sampaloc, Maynila.
Batay naman sa mga Facebook post ng netizens, nabuwal ang mga puno at bubungan ng ilang kabahayan na dinaanan ng buhawi sa Maynila.
Maging si Senador Richard Gordon ay nag-share ng video sa Twitter na dinaanan din ng buhawi ang tanggapan ng Philippine Red Cross sa Port Area, Maynila.
“Tornado hit @philredcross office in Port Area, Manila. No power. @[RCERU is now clearing the area. Stay safe,” ayon sa senador.
Hindi rin nakaligtas ang mga matatanda nang punong-kahoy sa loob ng Intramuros, Fort Santiago at Liwasang Bonifacio na nabuwal sa lakas ng buhawi.
Napinsala din ang ilang mga kabahayan sa Sampaloc. Nanalasa din ito sa Baseco at maging sa Quiapo kung saan ilang lugar ang iniulat na nawalan din ng kuryente.
Sa iba pang Facebook post ng mga netizens, nabatid na naramdaman at nasaksihan din ang bangis ng buhawi hanggang Sta. Mesa, Maynila hanggang sa Galas, Quezon City.