Buhawi pa sa Bulacan

Umabot sa dalawampung bahay ang nawasak at karamihan ay natanggalan ng bubong at maraming punong-kahoy at pananim ang nasira makaraang manalasa ang isang buhawi habang nasa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan sa Barangay Sibul, San Miguel, Bulacan kamakalawa ng gabi.

Sa report ni Liz Mungcal, pinuno ng Provincial Risk Reduction and Management Council (PRRMC)-Malolos City, winasak ng buhawi ang mga kabahayan sa ilang sitio ng Barangay Sibul, San Miguel kung saan karamihan sa mga naapek­tuhang bahay ay mga kubo at may ilang kongkretong kabahayan.

Nabatid na bandang alas-10:00 ng gabi nang biglang manalasa ang buhawi sa Barangay Sibul, San Miguel kung saan napilitang lumikas sa mas ligtas na lugar ang mga residente dahil sa malakas na hangin na may kasamang pagkidlat at ulan at mahigit sampung minuto ding nanalasa ang nasabing buhawi bago ito tuluyang nawala.

Gayunpaman, walang naiulat na nasugatan o nasawi sa pananalasa ng buhawi at hindi pa din matiyak ang halaga ng ari-arian at mga pana­nim ang nasira ng nasabing buhawi, habang naka­handa namang magpahatid ng tulong ang pamahalaang-lokal para sa naapektuhan ng buhawi na sumira sa mga kabahayan at pananim ng mga magsasaka sa lugar.