BONGABON, Nueva Ecija — Natanggalan ng bubong ang dalawang silid-aralan, ang mini-gym at isang bahay sa Brgy. Labi rito nang daanan ng buhawi noong Miyerkules ng hapon.
Sa impormasyong isinumite ni P/Inspector Connie Baglinit, deputy chief of police, tumagal ng limang minuto ang buhawi at tinamaan ang Brgy. Labi Elementary School at tahanan ng isang Marilyn Sabaria dela Vega, 50-anyos.
Dakong ala-1:30 ng hapon umano naganap ang pagdaan ng buhawi.
Tila galing umano ang buhawi sa bulubunduking lugar at dumiretso sa mga napinsala bago tuluyang nalusaw.
Wala namang naiulat na nasaktan at nasugatan sa mga nagulantang na mga mag-aaral at residente sa lugar.