Nang dahil sa alagang manok ay buhay ang naging kapalit ng isang lalaki matapos bugbugin ng mga kaanak sa Maynila kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang nasawing biktima na si Ferdinand De Castro, 47-anyos, binata, pedicab driver, ng 877 Geronimo St., Sampaloc, Manila habang arestado sa follow-up operation si Ryan Alfaro, 37-anyos, binata, driver, at pinaghahanap sina Christopher Alfaro, alyas ‘Kiko’, 20-anyos, at isang 17-anyos na lalaki, mga kapitbahay ng biktima na tumakas matapos ang insidente.
Alas-8:45 ng gabi nang naganap ang insidente sa Maisan, Geronimo St., Sampaloc, Manila. Sinira umano ng biktima ang kulungan ng sasabunging manok ng mga suspek dahilan upang komprontahin ito.
Patungo umano sa barangay ay hinarang ang biktima ng mga suspek kung saan dito ay pinagtulungang gulpihin at paluin ng kahoy dahilan upang masawi ang biktima.