Buhay na bayani

punto-de-oro-box Gani Oro

Kahapon ay ating ipi­nagdiwang ang ika-119 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.

Maraming bayani ang nagbuwis ng kanilang buhay upang makamit ang minimithing kasarinlan mula sa pana­nakop ng mga dayuhan.

Pero may kasabihan na hindi naman kailangan mamatay para ituring kang isang bayani, basta may nagawa tayong malaking bagay na naka-impluwensya at nakapag-bigay ng hindi matatawarang inspirasyon sa maraming tao.

Minarapat kong maghanap ng ordinar­yong tao na ating parara­ngalan sa artikulong ito bilang isang bayani. Nakita ko ang isang lumang post sa internet mula sa blog ni ‘redfieryheart’ tungkol kay Efren Penaflorida at narito ang kanyang sinabi:

Naagaw na naman ang atensiyon ko sa balita ng isang kabayanihan. Buhay na kabayanihan ng isang simpleng tao na may napakalaking adhikain. Si Efren Penaflorida ang a­king tinutukoy, ang Pilipinong bumandila bilang isa sa Top Ten CNN Heroes.

Mula sa ilang daang kalahok mula sa iba’t ibang bansa para sa kategoryang ito, nasala siya at pumasok sa mataas na posisyong ito upang pagbotohan at mapiling CNN Heroes.

Sa kabila ng madu­ngis na pulitika sa ating bansa, nakakatuwang may mga magsusulputang ganitong bali­ta. Pagkakawang-gawa at selflessness para makapag­lingkod lang sa kapwa.

Hindi ko pa kaya ang ganitong paghahandog ng sarili kaya pagsaludo na lang muna ang aking gagawin at kaunting adbokasiya upang maiangat pa sa natatanging posisyon si Efren.

Si Efren ay lumaki sa Cavite City, kung saan nakaranas siya ng pambu-bully ng mga gang members. Ngunit sa kabila nito ay pinilit pa rin niyang makapagtapos ng pag-aaral. Labing anim na taon pa lamang siya ng itatag ang Dynamic Teen Company (DTC) bunga ng labis na pagsasaalang-alang sa mga out of school youth.

Sa pamamagitan ng karitong kanilang itinutulak ay tinuturuan nila ang mga batang lansa­ngan sa Cavite tuwing araw ng Sabado. Sa loob lamang ng isang dekada ay umabot na sa 10,000 ang kanilang miyembro at nakapagturo sa humi­git-kumulang 1,500.

Noong nakalipas na buwan ay napasyal ako sa Amadeo, Cavite, naba­litaan ko mula sa tourism officer ng munisipyo na sa naturang lugar na pala namamalagi si Efren. Sayang at hindi ako nagkaroon ng pagkakataon para siya ma-interview.

Marami pa sanang kagaya ni Efren ang dapat bigyan ng pagkilala at parangal. Marami pa sanang buhay na bayani ang sumi­bol at maging inspirasyon ng lahing kayumanggi.